Joshua siguradong paiiyakin ang madlang pipol sa The Good Son

JOSHUA GARCIA JEROME PONCE AT NASH AGUAS

NABIGYAN  na ng kani-kanilang moment sa seryeng The Good Son sina Nash Aguas, Maccoy de Leon at Jerome Ponce. Magagaling ang mga young actors na ito, lalo na si Nash bilang si Cal, pinalakpakan ng manonood ang kanyang mga eksena nang aminin nito sa isang psychiatrist na ang kanyang karakter ang lumason sa kanyang ama.

Maging si Jerome Ponce ay hindi nagpakabog, sa isang eksenang gusto na nitong saktan ang kanyang kapatid dahil sa krimen ay timping-timpi ang aktor, pero nagpakita ito ng husay sa pag-arte.

Ang pinakahihintay ngayon ng mga regular na tumututok sa The Good Son ay ang moment na si Joshua Garcia naman ang tututukan ng mga camera. Siya pa naman ang tinatawag na junior ngayon ni John Lloyd Cruz, malaki ang inaasahan mula sa kanya ng manonood, anong eksena kaya ang magtatampok kay Joshua Garcia na kakaiba sa mga dating ginagawa na niya sa serye?

Siguradong babaha ng luha sa tagpong ibibigay kay Joshua. Puwedeng maganap ‘yun sa mismong harapan ng puntod ng kanyang ama (Albert Martinez) kapag naparusahan na ang dapat magdusa.

Siguradong bibigyan ng highlight ng produksiyon si Joshua Garcia, inaasahan na ng mga regular na tumututok sa serye ang nakatakda niyang gawin, lalo na’t siya sa apat na young actors ang itinuturing na pinakamahusay sa pag-arte.

‘Yun ang kailangan nating abangan.

Read more...