Impeachment ni Sereno pagbobotohan bago ang Holy Week

    Magbobotohan na sa susunod na linggo ang House committee on justice sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
    Ayon sa chairman ng komite na si Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali sa Martes ang huling pagdinig ng komite kung saan inaasahan na darating ang dalawang psychiatrist na nagbigay ng mababang score kay Sereno at ang detalye ng kanyang tax record.
    Sa Marso 6 magbobotohan ang komite kung mayroong probable cause ang reklamo. Sa Marso 13 inaasahang pagbobotohan ang committee report sa plenaryo at kailangan ng 98 kongresista upang maiaakyat ang impeachment case sa Senado.
    “Tuesday is our last hearing on probable cause,” ani Umali na umaasang ang Articles of Impeachment ay maipadadala na sa Senate Impeachment Court bago ang Holy Week break ng Kongreso.
    Dahil hindi humarap si Sereno wala umanong kumontra sa mga ebidensya laban sa kanya, ayon kay Umali.
    “Ganoon po ang nakikita ko (impeach si Sereno) kasi maraming na-establish kami during the hearing at marami nang nalinawan doon sa issues at ngayon hindi na nila tinitingnan ‘yong issue being hearsay dahil walong justice po ‘yong humarap na masasakit po ang sinabi patungkol po kay Chief Justice pati po ‘yong dalawang justices na hindi po sila nakaharap ay medyo may mga nabanggit din sila doon sa kanilang sulat na wala silang kinalaman doon sa mga sinasabi ni Chief Justice,” ani Umali.

Read more...