MAINIT na mainit pa rin ngayon ang isyu kaugnay ng pagba-ban ni Pangulong Duterte sa reporter ng online news outlet na Rappler na si Pia Ranada sa buong Malacanang.
Ipinalabas ang kautusan isang araw matapos namang humarap si Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y pakikialam niya sa frigates project ng Philippine Navy.
Sa naturang pagdinig, iginiit ni Go na “fake news” ang lumabas sa Rappler at isang pang pahayagan kaugnay ng kanyang umano’y pag-eendorso sa isang kontratista para siyang paboran sa frigates projects.
Nagdulot ng iba’t ibang reaksyon ang kautusan ni Digong, na noong una’y nagbunsod pa ng kalituhan sa mga opisyal na inatasang magpatupad nito.
Dahil si Presidential Spokesperson Harry Roque ang tagahatid ng opisyal na mensahe ng pangulo, una pa niyang sinabi na ban lamang si Ranada sa mga opisyal na iskedyul ng Pangulo at maaari pa rin siyang dumalo sa kanyang mga press briefing.
Makalipas ang isang araw, niliwanag ni Roque na sa buong bisinidad na ng Malacanang bawal si Ranada.
Noong Huwebes, nagsalita sa Iloilo si Digong hinggil sa kanyang desisyon na i-ban si Ranada sa buong bisinidad ng Palasyo.
Umalma naman ang iba’t ibang grupo ng mamamahayag sa naging desisyon ni Duterte.
Samantala, naglabas ang pahayag ang Malacanang Press Corps na mananatili pa ring miyembro ng MPC si Ranada hanggat walang pinal na desisyon kaugnay ng pagkakansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa lisensiya ng Rapplers.
Niliwanag pa ng MPC na bilang organisasyon ng iba’t ibang mamamahayag na nakatalaga sa Malacanang, bagamat ipinag-utos ni Duterte ang pagbabawal sa Rappler na maka-cover sa kanya, walang sey ang Palasyo sa pagtanggap a pagtatanggal ng miyembro ng press corps.
Para sa mga mamamahayag na nakapag-cover ng iba’t ibang pangulo sa Palasyo, hindi na bago ang pagba-ban sa isang reporter sa Malacanang.
Ang kaibhan lang sa kaso ni Ranada, tahasang kinumpirma mismo ng pangulo na siya ang nagpa-ban sa Rappler.
Sa mga dati kasing administrasyon, kung ayaw ng isang opisyal o maaari kahit ng isang pangulo sa isang mamamahayag, ang mga nakaupong opisyal ng PCOO ang nakikipag-ugnayan sa media outlet para mailipat sa ibang beat ang ayaw na reporter.
Tatawag lamang sa desk o sa editor-in-chief ng media outfit para mabalasa ang inirereklamong reporter.
Sa kaso ng Rappler, buong news site ang kilalang kritiko ng administrasyon kaya lahat ng reporter nito ang ban sa Malacanang.
Tiniyak naman ng Malacanang na hindi ito banta sa freedom of the press sa bansa.
Para naman sa nagmamahal sa demokrasya, mas maganda pa rin na manatiling mapagmatyag para matiyak na patuloy na matatamasa ang kalayaan sa pamamahayag.