MAY hangganan talaga ang lahat ng bagay. Lalo na ang popularidad, walang artistang makaaangkin ng panghabambuhay na kasikatan, kikinang at kikislap ang bituin pero isang araw ay mawawalan din ng ningning.
Nagkaroon ng panahon na halos wala nang kapahi-pahinga ang isang male personality, napakabenta niya sa pelikula, kahit anong papel naman kasi ay kaya niyang gampanan.
Puwede siyang bida, puwede rin siyang kaibigan lang ng bida, lalong puwede siyang magkontrabida. Parang lastiko ang kanyang talento na nahihila-hila.
Komento ng aming source, “Pero ang kasikatan kasi, kapag hindi iningatan, e, mabilis mawala. Kapag may pera na kasi, ang akala ng mga artista, e, wala nang katapusan ‘yun!
“Aba, sa dami ng projects na ginagawa niya nu’n, siyempre naman, ang akala niya, e, meron na siyang balon ng salapi, kaya naging bulagsak siya. Ni hindi nga niya naisip na magpundar ng tirahan ng pamilya niya.
“Ano ang ginawa niya? Bukod sa bisyo niya na nagpamukhang matanda sa kanya, e, nagbisyo pa siya ng iba? Palagi siyang nakababad sa sugalan, napababayaan na niya ang katawan niya, naging palalo siya!” simulang kuwento ng aming impormante.
Pagkatapos ng maliligaya niyang araw ay heto ngayon ang male personality, kapos na kapos na, umaasa na lang ng ayuda mula sa mga kaibigan at kasamahan niyang artista.
“Palagi siyang humihingi ngayon ng tulong sa mga kaibigan niya, kailangan niya ng pangtustos sa mga maintenance niya, palagi na kasi siyang nagkakasakit.
“Wala siyang maibentang kahit ano, wala nga kasi siyang naipundar, kundi ang pangalan niya na hindi rin naman niya inalagaan. Marami ring naaalalang hindi kagandahan tungkol sa kanya ang mga producers.
“Hindi naman siya namamalimos ng awa, pero napakalayo na niya sa sobrang bruskong itsura niya nu’n na parang kaya niyang patumbahin ang kahit sino dahil sa galing niya sa action.
“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kilalang-kilala n’yo kung sino siya. D’yan, d’yan kayo magagaling, di ba?” pagtatapos ng aming source.