Ending ng ‘Significant Other’ binago ng produ

HANDS-ON pala talaga ang Cineko Productions producer na si Mayor Enrico Roque sa pagbuo ng pelikulang “The Significant Other” nina Erich Gonzales, Lovi Poe at Tom Rodriguez.

Pagkatapos ng celebrity at press screening ng “TSO” nitong Lunes ay binati namin ang magiting na ama ng Pandi, Bulacan at nabanggit nga namin ni bossing Ervin na ang ganda ng pelikula.

“Talagang tinutukan ko ang editing, talagang ipinagpilitan ko kay Direk Joel (Lamangan) na tanggalin na ‘yung mga hindi naman kailangan para hindi ma-bore ang manonood. Kasi alam ko ayaw ng tao ‘yung mabagal, ang gusto nila ngayon mabilisan,” paliwanag ni Mayor Enrico.

Halos lahat ng nakakakilala kay Mayor Enrico ay kino-congratulate siya dahil maayos ang pagkakalatag ng kuwento ng pelikula simula umpisa hanggang katapusan.

“Salamat at nasulit lahat ang pagod namin sa pagtutok sa production hanggang matapos ang pelikula,” say pa niya.

Tinanong namin kung nag-aral ba ng crash course sa Film si Mayor Enrico dahil marami rin pala siyang alam sa technical aspect ng paggawa ng movie.

“Hindi, mahilig lang akong manood ng foreign films tapos inaaplay ko sa mga pelikula natin dito. Maski paano may natutunan naman ako kaya sabi ko subukan ko nga sa mga pelikula ng Cineko. So far, okay naman ang resulta, nagustuhan n’yo ba?” aniya pa.

Nabanggit niya sa amin na para sana sa 2017 Metro Manila Film Festival ang “The Significant Other” ngunit hindi umabot sa deadline pero blessing in disguise na rin daw dahil mas nabusisi pa nilang mabuti ang movie.

Nang mapanood nga raw ni Direk Maryo J. delos Reyes (SLN) ang raw copy ng “The Significant Other” ay nag-suggest ito na bigyan ng maraming close-up sina Lovi, Tom at Erich para ma-appreciate ng viewers ang kagandahan at kaguwapuhan ng mga bida.

“Siyempre, may mga suggestion kami kay direk Joel na galing kay direk Maryo. ‘Yung long shot ni direk Joel, may ibinigay kami na mas maganda sigurong gawing close-up at naging maganda naman,” say ni Mayor Enrico.
Napansin din namin na mas mahaba ang love scene nina Erich at Tom sa movie kumpara sa mga maiinit na eksena ng aktor kay Lovi. Tanda rin namin na pinalakpakan pa ng ilang manonood ang love scene nina Erich at Tom sa sasakyan dahil talagang palaban ang aktres sa nasabing eksena.

q q q

Ipinagmalaki rin ng Cineko producer na ideya niya ang ending ng pelikula na dapat sana’y si Tom lang ang nasa last frame, pero pinabago raw ito ni Mayor Enrico.

“Siyempre as a producer, may mga gusto tayong mangyari, di ba? So, sabi ko kay Direk Joel na pumayag naman siya at nakita naman niyang naging maganda ang outcome.

“Nakita ninyo tig-iisang frame sila, si Tom nasa gitna tapos ‘yung dalawang kotse nina Erich at Lovi ipinakitang parehong umaalis. Inihabol lang namin ‘yun,” kuwento pa sa amin.

Ang isa pang napansin namin sa pelikula ay hindi ito yung typical na kabit movie na maiingay ang mga karakter kung saan walang patumanggang talakan at sakitan ang nangyayari.

Ginawang sosyal ang mga karakter lalo na si Lovi na hindi bumaba sa level ng kabit na si Erich pero naiparamdam pa rin niya ang kanyang galit at paghihiganti. May sampalang nangyari pero hindi cheap ang dating.

Maganda ang script at nalaman namin kay Mayor Roque na si Eric Ramos pala ang sumulat nito.

Ganito ang mga pelikulang gusto pa rin ng kaedaran natin bossing Ervin, mabilis ang takbo ng kuwento at magagaling ang mga artista.

Bukod kina Tom, Erich at Lovi, kasama rin dito sina Snooky Serna, Bernardo Bernardo, Dina Bonnevie.

Palabas na ngayon ang “The Significant Other” sa mahigit 170 cinema mula sa Cineko Productions and distributed by Star Cinema.

Read more...