Julia pasadong Pinoy version ni Angelina Jolie

Larawan mula sa Instagram account ni Julia Montes @montesjulia08

NAGTAGPO na ang pusong pinaghiwalay ng tadhana sa muling pagkukrus ng landas nina Ana (Julia Montes) at Gael (Paulo Avelino) ngayong alam na ng huli na buhay pa ang dating nobya sa Kapamilya hapon serye na Asintado.

Muntik na ngang mabulilyaso ang mga plano ng paghihiganti ni Ana matapos silang magkita ni Gael sa pagdalo niya ng isang masquerade party upang makahanap ng ebidensyang magdidiin sa mga Del Mundo sa kanilang katiwalian.

Hindi man sigurado sa pagkatao ni Ana dahil sa suot nitong maskara, pilit pa ring kinausap ni Gael ang dalaga upang linawin ang lahat ng namagitan sa kanila, na nagdulot ng kaguluhan sa okasyon. Ngunit sa pagkakataong malalaman na ang pagkatao ni Ana, dumating si Xander (Aljur Abrenica) at nagpakilala bilang asawa nito.

Ito na nga ang pag-uumpisa ng bagong kabanata sa buhay nina Ana at Gael, ngunit hindi para ipagpatuloy ang kanilang pag-ibig, kung hindi para pabagsakin ang isa’t isa.

Ano nga kaya ang kahihinatnan ng pagtatagpo nina Gael at Ana? Manumbalik kaya ang kanilang pag-ibig para sa isa’t isa? Huwag palampasin ang serye na kasado ang pag-ibig at paghihiganti, ang Asintado sa Kapamilya Gold tuwing hapon sa ABS-CBN.

Samantala, marami ang nagkomento na bukod kay Angel Locsin, pwedeng-pwede ring maging action star si Julia, tulad ng Hollywood superstar na si Angelina Jolie.

Sana raw, makagawa rin ang Star Cinema ng isang action movie kung saan mga female stars naman ang bibida, tulad nga nina Angel at Julia.

Read more...