Good Morning!
Ako po ay dumudulog sa inyong tanggapan para humingi ng payo at tulong sa aking sitwasyon bilang empleyado ng isang malaking kumpanya.
Nitong nakaraang Enero 24, nakatanggap po ako ng email at invitation sa aming Human Resource Executive para sa Commercial Townhall na gaganapin sa Eastwood, Quezon City ng January 25, 2018.
Hindi ko po inakala na yun po palang araw na iyon ay bibigyan kami ng offer para sa Involuntary Separation Program. Gustuhin ko man pong hindi tanggapin ang offer sa kadahilanan na hindi po ako pwedeng mawalan ng trabaho dahil ako po ang bread winner sa pamilya namin at ako rin po ang sumusuporta sa aking inang matagal ng bedridden, ngunit sapilitan po ang implementation ng Involuntary Separation Program at hanggang February 28, 2018 na lamang po ako bilang empleyado.
At ayon sa sulat at sa taong nagbigay sa akin ng dokumento kahit pumasok ako ng March 1, 2018 ay hindi na rin ako kikilalaning empleyado ng aking pinapasukang kumpanya.
Ako po ay isang confidential employee or nasa Supervisory Level, may karapatan po ba akong ireklamo or idemanda ang aking employer?
Sa katotohanan, hindi ko po alam kung anong pinagbasehan nila sa akin para isama ako sa mga listahan ng matatanggal dahil confident po ako na ang aking performance bilang Sales Executive ay hindi matatawaran at nangunguna naman, at wala po naman silang binanggit na dahilan kung ano ang batayan nila sa pagtanggal ng empleyado.
Sa totoo lamang po, hindi ko po inaasahan na isa ako sa masasama sa tanggalan dahil noong 2016, nagkaroon ng issue kung saan sangkot at nireklamo ang aking mga subordinates (Pre-Sellers), dahil po sa pagiging tapat ko sa aking tungkulin, sumunod ako sa proseso at policy ng kumpanya na kung saan nakipagtulungan ako sa imbestigasyon at sinangguni ko ito sa mga namumuno at mataas sa aking tungkulin.
Natapos ko po ang kaso laban sa apat na pre-sellers ko, pero sa halip na suportahan ako ng management ay idiniin ako at kinasuhan na naging dahilan ng pagkasuspinde ko noong October 2017.
Ngayon po ay meron pa rin silang inilabas na kaso laban sa akin na nangyari noong 2016 pa at hindi na sakop ng aking tungkulin, at pati ang mga taong sangkot ay wala na rin sa aming kumpanya.
Nangangamba po ako na hindi ko makuha ang dapat na benepisyo na matatanggap sa 10 taon kong panunungkulan bilang empleyado sa aking pinapasukang kumpanya at mawalan ng chance na makapagtrabaho sa ibang kumpanya dahil sa kasong ibinabato ulit sa akin na wala naming basehan at hindi nasasakupan ng aking authority (job description).
Masakit po sa akin na sa pagiging matapat kong empleyado ay ito lamang ang igaganti ng kumpanya. Noong kasagsagan ng pagsampa ng administrative and criminal case laban sa aking mga tao, inassure sa akin ng Management na hinding-hindi ako maaapektuhan at madadamay sa kaso dahil sa pakikipagugnayan ko sa mga imbestigasyon at sila rin ang nagpatunay na wala silang naging basehan na ako ay involve sa kaso. Ngunit sa kasawiang palad ako na po ang ginawang sakripisyo ng Management, kinasuhan, sinuspinde at tinanggal sa tungkulin para matapos at matahimik na ang issue at wala nang iba pang madamay na kasalukuyang nasa tungkulin pa.
Sana po ay matulungan ninyo ako sa aking sitwasyon dahil dito po nakabase ang magiging kinabukasan ng aking pamilya. Maraming salamat po.
Laging handa,
Rita Reyes
Abangan ang sagot ng Aksyon Line sa Miyerkules, Pebrero 28.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.