2 talent manager inireklamo ang panloloko sa mga alagang aktor
MUKHANG may katotohanan ang hinaing ng ilang co-managers ng mga artista tungkol sa pagha-handle sa showbiz career ng mga ito.
Tuluyan na nilang ipinagkatiwala sa kilalang TV network ang pangangasiwa sa karera ng kanilang mga alaga.
Ang siste, kapag produkto ng talent search ng TV network ang isang artista ay automatic na ang mismong istasyon na ang magma-manage sa kanila. Bibigyan sila ng handler o road manager na siyang tututok sa mga nag-i-inquire para sa isang proyekto.
Bagama’t may handler o road manager na, may mga manager pa rin ang mga artista o ‘yung mga naka-discover sa kanila at ayaw silang pakawalan kaya naging co-manager ng network.
At dahil tiwala ang co-managers sa mga handler kaya ipinagkatiwala na nila sa mga ito ang pagsagot sa mga inquiry para sa serbisyo ng kanilang talents.
Heto na ang siste, kinukuwentuhan kami ng ilang co-managers tungkol sa mga problema nila sa handlers/road managers dahil hindi raw nabibigyan ng trabaho ang kanilang mga alaga.
Heto ang hinaing ng manager ng kilalang aktor, “Ilang taon na kami sa ____ (TV network), hanggang ngayon, panaka-naka ang nakukuha naming project kasi kapag may inquiries pala, hindi naman ibinibigay ng handler at sinasabing parating busy o maraming ginagawa.
“E, sa totoo lang, walang ginagawa si ____ (kilalang aktor), halos lahat na yata ng pelikula sa mga sinehan napanood na niya dahil sa kawalan ng project. Nalalaman ko kasi tinatawagan ako nu’ng kliyente at iyon daw ang sagot ng handler. At nabuking ko kasi ibang artista ang ibinibigay.”
Sobrang loyal ng aktor sa kanyang TV network pero plano na niyang umalis dahil kinukuha na siya sa ibang istasyon at bibigyan ng malaking project.
Tungkol naman sa isang male celebrity na produkto ng reality show ang kuwento sa amin ng isa pang manager, “Naku, iba na ang style ko, dati kasi ipinapasa ko lang sa kanila (road manager) lahat ng inquiries, e, teka, one year nang walang project ang alaga ko, e, ang dami-daming nagtatanong sa akin kung bakit walang ginagawa, e, halos lahat ng kasabayan niya, busy.
“Tinanong ko ‘yung handler at sabi wala naman daw inquiry, so okay lang, tanggap ko. Pero heto, ako mismo tinawagan nu’ng producer ng pelikula at sinabing hindi siya sinasagot nu’ng handler. Nu’ng kinausap ko at ikinuwento ko, sabi nu’ng handler, ipinasa niya sa road manager ang inquiry kasi naka-leave siya. E, putik, hindi naman pala sumasagot ‘yung road manager na ‘yan sa lahat ng tawag ng producer.
“Hindi ba nakakairita? Paano mo ipagkakatiwala, sige nga, hindi naman pala ginagawa ang trabaho. At huwag silang magsasabing hindi nila natatanggap ang text o tawag nu’ng producer kasi naka-record at kapag tine-text o viber, naka-seen zone lang,” reklamo ng manager.
Payo namin, bawiin na nila ang mga talent nila sa network at sila na lang ang mag-manage sa career ng mga ito, tutal naman ay marami rin silang koneksyon.
“Actually, plano ko na, kaso may mga sinasabi na kapag hindi raw co-manage (ng TV network), hindi bibigyan ng projects o hindi prayoridad, e, susme, ganu’n din naman, wala namang pagbabago. At least pag solo ko na, mas madali ang usapan at hindi ‘yung ilang linggo kang paghihintayin kung tatanggapin ang project o hindi.
“Tulad nitong isang TV commercial, okay naman ang budget for me, aba, itong handler na kausap, umayaw kasi mababa raw. Hayun, nawala tuloy ‘yung project,” sentimyento pa ng manager ng aktor na produkto ng reality show.
Bukod dito, nagkuwento pa ng kung anu-ano ang mga manager na kausap namin na hindi puwedeng isulat kaya napapailing na lang kami. Alam na namin ang umiiral na sistema ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.