Gilas Pilipinas giniba ng Australia

Laro sa Linggo
(Mall of Asia Arena)
7:30 p.m. Gilas Pilipinas vs Japan

NALASAP ng Gilas Pilipinas ang una nitong kabiguan matapos yumukod sa mas pasensyoso at matatangkad na 10th ranked sa mundo na Australia Boomers, 84-68, sa kanilang 2019 FIBA World Cup Asian qualifier game Huwebes sa napuno ng mga Pilipinong migrante na Margaret Court Arena sa Melbourne, Australia.

Tanging sa first half lamang nagawang makipagbakbakan ng Gilas kung saan nagawa pa nitong kapitan ang ilang beses na limang puntos na abante sa ikalawang yugto na pinakahuli sa 30-25 bago na lamang napabayaan ang mas mataktika na kalaban upang mahulog sa kabuuang 2-1 panalo-talong kartada.

Hindi nakasama ng koponan ang Asia’s best point guard na si Jason Castro bagaman nagpakita ng husay sina Kevin Louie Alas at Kiefer Ravena bago na lamang tuluyang dinomina ng Boomers ang huling dalawang yugto.

Dahil sa panalo ay nanatiling malinis ang kartada ng Boomers at nasolo ang liderato sa Group B.

Pinangunahan ni Cameron Gliddon ang Boomers sa pagtala ng 16 puntos at nagdagdag si Mitchell Creek ng 12 puntos at 11 rebound.

Pinamunuan ni June Mar Fajardo ang Pilipinas sa ginawang 15 puntos.

Agad din nagpakita ng lakas ang naturalized player na si Andray Blatche sa simula ng laro subalit unti-unting kinapos sa laban at nagkasya lamang sa walong puntos mula sa 3-of-11 shooting.

Mula sa 25-30 paghahabol ay inihulog ng Australia ang 12-2 bomba para agawin ang 37-32 abante tampok ang itinala ni Creek na anim na puntos at anim na rebound bago na tuluyang ipinalasap ng Boomers ang kabiguan sa mga Pinoy cagers.

Nakipagpalitan muna ng abante ang Pilipinas matapos maghulog ang Australia ng 5-0 bomba na agad nito itinabla bago unti-unting kinontrol ng Boomers ang takbo ng laro kung saan nagawa pa nitong itaas ang pinakamalaki nitong abante sa 21 puntos sa pagsisimula ng ikaapat na yugto sa 70-49.

Itinala pa ng Boomers ang 26-1 run sa ikatlong yugto tungo sa pagsungkit nito ng ikatlong sunod na panalo sa Group B.

Read more...