Sex slave, nabuntis na OFW, sikreto ibabaon hanggang hukay

BUHAY na saksi ang Bantay OCW sa mga kalunos-lunos at masasakit na mga karanasang dinanas ng ating mga OFW sa ibayong dagat.

‘Yun nga lang mas ramdam ngayon ng mga OFW ang personal na malasakit sa kanila ng kasalukuyang pamahalaan. Tulad na lamang ng personal na pagtungo mismo ni Pangulong Duterte sa lalawigan ng Iloilo kung saan nakalagak ang bangkay ng OFW na si Joana Demafelis upang makiramay sa mga naulila nito.

Natagpuan ang bangkay ni Joana sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait at hinihinalang mahigit isang taon nang patay ito.

Sa loob ng maraming mga taon na paglilingkod ng Bantay OCW, nananawagan kami sa bawat pangulong umuupo sa gobyerno na tigilan na ang pagpapadala ng ating mga kababaihan sa malulupit na mga bansang tulad ng Kuwait kung saan tinatrato bilang kalaban ang dayuhan doon at maging sa ilang mga bansa sa Gitnang Silangan.

Para sa amin, tila nga ba karagdagang numero na lamang ang bawat naiuulat na nangamamatay sa abroad. Oo may kaunting imbestigasyon, pag-uusapan din ang kaso kahit papaano, tapos wala na.

Mauulit na naman iyon at paulit-ulit na nangyayari.

Wala namang konkretong hakbang na isinasagawa upang hindi na sana maulit pa at maiwasan ang mga susunod pang kahindik-hindik na mga kaso ng pagmamalupit ng kanilang mga amo.

Matapos ang sunod-sunod na kaso ng pagkamatay ng ating mga kababaihan sa Kuwait, si Pangulong Duterte mismo ang nagpalabas ng kautusang wala nang ipadadalang Pilipino sa Kuwait. Total Ban ng deployment ang posisyon ng Pilipinas kontra Kuwait.

Wala naman palang mga kasunduan na pinirmahan ang Kuwait upang mabigyan ng proteksyon ang ating mga manggagawa roon. Hindi sila seryosong gawin iyon.

Tulad na lamang ng kaso ni A.G. na ipinaalam sa Bantay OCW, ilang taon na rin ang nakararaan.

Ginawa siyang sex slave ng kaniyang mga employer. Limang magkakapatid na mga sundalo ang mga iyon. Nagawa niyang tumakas nang maiwang nakabukas ang gate ng kanilang bahay at nagtatakbo ito hanggang sa makasakay ng taxi at inihatid siya sa embahada ng Pilipinas.

Buntis siya ng anim (6) na buwan. Nang makabalik ng bansa, hindi siya umuwi sa kanilang bahay at nagtungo sa isang NGO o organisasyong tumutulong sa mga babaeng nabuntis hanggang sa makapanganak ito.

Pagkalipas ng tatlong buwan, iniwan na niya ang kaniyang iniluwal na sanggol sa naturang organisasyon upang sila na ang humanap ng aampon sa bata.

Saka lamang nakauwi sa kanilang probinsiya ang kaawa-awang OFW na biktima ng panghahalay.

Nakiusap ito sa Bantay OCW na mananatiling lihim ang lahat. Wala ‘anya siyang planong ipagtapat ang katotohanan sa asawa at mga anak.

Pipilitin niyang ibaon iyon sa limot at babaunin na lamang hanggang sa kaniyang hukay.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...