SA araw-araw na ginawa ng Maykapal, nakatutok kaming mga transport journalists sa daily Viber feed ni Aly Narvaez ng Transportation Department para malaman ang kundisyon ng MRT3 at maibalita ito sa mahigit kalahating milyong pasahero nito.
Ngayon, sa sobrang unreliable ng MRT3, naisipan ng DOTr, lalo na ng LTFRB, na gamitin ang mga Point-To-Point (P2P) buses upang ma-augment ang serbisyo ng tren laging kulang ang bagon.
Ang siste, magpapadala ang LTFRB ng mga aircon P2P bus sa mga terminal ng MRT3 na sobrang congested o masikip sa dami ng pasahero upang dito na isakay ang overflow count at dalhin sa kanilang destinasyon.
Ginawa na ring mura ng LTFRB ang pasahe para ma-engganyo ang ibang pasahero ng MRT3 na sa P2P bus na sumakay. P15 pesos na lang ang pasahe hanggang Makati mula Quezon City. Mga 70-P2P bus din ang negseserbisyo sa MRT3 commuters.
Marami ang nagrereklamo pa rin sa solusyong ito dahil babaybay pa rin daw ng trapik ng EDSA ang mga P2P buses kung kaya matatagalan pa rin ang biyahe nila kumpara sa kung sa MRT3 sila sasakay. Sa tren kasi ay may 30-minutes lang ang biyahe habang mga isang oras naman sa P2P.
Ang hindi naiisip ng mga reklamador, kung pipila ka ng isa’t kalahating oras sa MRT3 station at bibiyahe ka ng kalahating oras, eh dalawang oras pa rin ang inuubos mo. Ikumpara mo ito sa mabilis na pagsakay sa P2P at isang oras na biyahe, lamang ka pa rin.
Idagdag mo na ang “dignity of commute” na ibinibigay ngP2P dahil nakaupo ka nang maayos sa loob ng isang aircondition bus na express service dahil deretso na ito sa patutunguhan mo ng walang hints.
Sa ibang bansa ay ito na ang formula na ginagamit ng mga transport authorities nila. Ang tawag dito ay ang “Bus Rapid Transit System.”
Sa Bogota, Colombia o sa Bangkok, Thailand o sa Kuala Lumpur, Malaysia o sa Jakarta, Indonesia o sa Hong Kong, makikita ninyo ang mga bus na nasa gitna ng highway at doon na rin nakalagay ang mga bus stops.
Epektibo ito sa kanila dahil parang Pilipino rin magmanehoang mga tao roon at sobrang dami rin ng mga sasakyan nila na bumabaybay sa masikip na lansangan. Solo ng mga bus ang middle lanes (kung saan island sa atin) at doon sila nagbababa at nagsasakay ng pasahero. Mayroon ding mga designated bus stops kung saan nandoon din ang“underground at overhead” pedestrian crossings para hindi kung saan-saan tumatawid ang mga tao.
Mabuti na siguro na pag-aralan natin ito dahil nakita naman natin na medyo epektibo ito kung susuriin ang naging resulta ng P2P sa mga pasahero ng MRT3. Baka naman may mahita tayo sa mga “best practices” na ginagamit na sa ibang bahagi ng mundo.
Para sa mga komento o suhestiyon, sumulat po lamang sairie.panganiban@gmail.com o sainquirerbandera2016@gmail.com.