BANTAYAN ang dila sa masama, ang mga labi sa pagsasalita ng panlilinlang. Iyan ang Pagninilay sa Salmo sa Ebanghelyo (Is 55:10-11; Slm 34:4-7, 16-19; Mt 6:7-15) sa Martes sa unang linggo ng Kuwaresma.
Naganap ang makatotohanang pagdinig sa Senado (hinggil sa bibilhing bapor de gera ng Navy) at hindi namayani ang maling bintang (pagsuway sa Ikawalong Utos ng Diyos) at masayang nakamasid ang kaluluwa ni Angie Reyes, na nakiusap na bigyan siya ng dignidad, pero sininghalan ng isang senador: you have no dignity. Shut up!
Napakabilis namang humusga ng matatalino at akusahan ang mga pari sa Malolos na pinabayaan ang mga adik na mapatay ng mga pulis. O, akusahan ang mga pari na walang ginawa sa humalay at pumatay sa 2-anyos na batang babae; o sa Moro na tinaga ang dalawang asawa at mga anak.
Ibinilin ni Pope Francis na huwag makipag-argumento sa demonyo dahil “he is much clever than us.” Huwag nang lumapit sa adik na inalihan ng masamang espiritu, huwag nang makipag-usap at makabubuting iwasan na lamang. Ganyan din ang ginagawa ng mga exorcists. Malawak pa ang impiyerno para sa kanila. Kaya nga sila lumalaban sa pulis.
EDSAyang 3. Ano ba ang tagumpay na regalo ng dalawang Aquino bilang pangulo? Tagumpay na pansarili, pero pagwasak sa pagkatao ng taumbayan. Paghihiganti (venganza) sa kanilang political enemies. Nahati ang bansa at naging demonyong hunyanggo ang mga politiko para lamang magkapera at manatili sa poder.
Sa editorial dep’t ng Evening Post, ang pinakamahirap na yugto ng malayang news evaluation ay Agosto-Disyembre 1983. Cool man si Johnny Tuvera at napakatatag si Kerima Polotan. Gaano man ang pagsisikap ng senior at junior deskmen/ deskwomen na ihayag ang totoo ay para kaming nagtutulak ng alon sa dalampasigan. Mismong si Johnny Remulla ay tinapat ako, usapang barako sa Trece, na hindi si Marcos ang nagpapatay kay Aquino. Pero, napakahirap labanan ang malalakas na bigwas na iginigiit na si FM ang kontrabida. Martir si Ninoy.
Ang sabi ni Cory, wala siyang gahiblang ebidensiya na magdidiin kay Marcos bilang utak ng pagpatay kay Ninoy. Sa kulturang silangan (Moro o Kristiyano), ang anak na lalaki ang naghihiganti sa patraydor na pagpatay sa kanyang ama. Ang pinaghigantihan ni Noynoy ay sina Merceditas Gutierrez, Renato Corona, Gloria Arroyo, JPE, Jinggoy at Bong, na lahat ay walang kinalaman sa pagpatay sa kanyang ama.
Habang nag-uulat (sa Evening Post at Jingle Clan Publications) sa huling araw (selebrasyon) ng EDSA 1986, di ko maubos-maisip kung bakit ibinuhos lahat nina JPE at FVR ang biyaya’t pagkilala kay Cory gayung simula 1976 ay alam ko na ang umiinit na temperatura ng kanilang kilikili. Di ako makapaniwala na ang dalawang operator ng martial law ay yumukod sa madyongera para huwag tagbasin ang buntot.
Nakalulungkot na mismong si Cardinal Sin ay ketongin ang tingin sa mga nabiyayaan ni Marcos gayung ang pagpapala ay di nila ninakaw, tulad ni Bobby Ongpin. Bukod sa venganza ni Cory, bagyo ang political divisiveness, lalo na sa Metro Manila. Sa kanayunan ay di ganito ang damdamin dahil wala roon sina Cory at Sin.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebangehlyo, Sapang Palay, SJDM City, Bul.): Maalab ang pagtanggap sa homilia kung ang pari ay tanging Diyos ang turan, ipinaliliwanag ang buhay na Kristo hindi ang teyoryang Jesus, hindi ang pinagdaanan o buhay ng nagmimisa. Kailangang may maiuwi sa bahay ang mga nagsimba, na tumimo sa kanilang isipan at puso, at maibabahagi sa kapitbahay.
PANALANGIN: Pinatatawad Niya ang kasalanan, ngunit hindi Niya iniiwan itong walang parusa. Amen. Ex, Hkm, Jer.
MULA sa bayan (0916-5401958): May shabu pa rin sa Leyte cities, pero parang sanitized na at ayaw na ring iulat ng media. …4772, Santo Nino, Ormoc City (Hindi nag-iisa si …4772. Sa Metro Manila, ang balitang shabu ay matutunghayan lamang sa balitang panghapon at panggabi (6:30 n.g.) sa 2, 7 at GMANews TV. Sa umaga, kundi bawas ay binura na ang mga balitang shabu. Walang online news ang masa. –LB).