ISANG tanghali ‘yun sa Tawag Ng Tanghalan sa It’s Showtime na kinailangang pahintuin sa pagkanta ang tatlong kalahok dahil sa mga flats at sharps na naririnig ng mga judges lalo na ng punong-huradong si Jaya.
Napanood namin ang nasabing episode, katabi namin si Rey-Ar Reyes na balikbayan naming anak-anakan mula sa Winnipeg, Canada, ramdam din nito ang mga pasintunadong pagkanta ng mga contestants.
“Ay, heto pa ang isa! Siguradong mago-gong ito! Puro flat at sharp!” reaksiyon ng aming kaibigan. At maya-maya nga ay sumenyas na si Jaya kay Ryan Bang na i-gong ang ikalawang kalahok.
Dahil du’n ay na-bash nang husto si Jaya, wala raw siyang kapuso-puso sa mga contestants, akala mo raw naman kung sinong makapang-gong ang female performer samantalang madalas din naman siyang sintunado sa pagkanta.
Ang punto naman ng punong-hurado nu’ng araw na ‘yun, “Mahirap po talagang sumabak sa kahit anong competition. Huwag na sa ganitong singing contest, kahit sa anong larangan, mahirap talagang sumali dahil siguradong may panalo at may talo.
“Lalong mahirap maging punong-hurado dahil sa pagganap mo sa tungkuling ipinagkatiwala sa iyo, e, siguradong may masasaktan. Pero lagi ko namang sinasabi na hindi ‘yun ang katapusan. Meron pang susunod na pagkakataon.
“‘Yung nangyaring pagkakamali, ‘yun ang magiging leksiyon na kailangan niyang iwasan sa susunod. Meron din namang mga sumasali sa unang pagkakataon na tuluy-tuloy na hanggang sa finals.
“Iba-iba talaga ang kapalaran ng mga sumasali. Ang trabaho naming mga hurado, e, ang panalunin ang karapat-dapat. May gong, kaya masakit, pero they should look at it as a good opportunity to get better and prove na kaya na nila talaga.
“We love and have the heart for all our contenders, pinagdaanan din namin ang ganu’n, pinaghirapan din namin ang career na meron kami ngayon,” sinserong paliwanag ng magaling na singer.
Very well said.