PUMASOK na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kampanya laban sa smuggling.
Pinigilan ng mga NBI agents ang isang 40-foot container van, na ang deklarasyon na laman ng truck ay mga bags pero ang nasa loob ay mga mamahaling gamit na highly-taxable gaya ng mga accessories ng cellular phones, spare parts ng mga kotse, electric components, ECG machines, air compressors at medisina.
Dala ng mga NBI agents ang isang authority to conduct search and seizure of smuggled goods na pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
***
Ang container van ay galing sa Manila International Container Port na pinamumunuan ni Customs Collector Balmyrson Valdez.
Sampal kay Valdez ang pagkakaharang ng 40-foot van.
Si Valdez ang nag-uudyok kay Customs Commissioner Isidro Lapeña na huwag ipalabas ang mga kargamentong mali ang deklarasyon, ayon sa aking mga sources sa loob ng Customs.
Ang maling payo na binibigay ni Valdez sa kanyang boss ang nagresulta ng P6 bilyon na deficit in collection sa Enero lang, kumpara sa P4 bilyon na deficit sa walong buwan noong panahon ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon, ayon sa aking mga sources.
***
Sa lingguwahe ng mga importers at brokers, pinapatungan ng “alert status” ang isang shipment kahit na wala namang intelligence reports na naglalaman ito ng kontrabando.
Dahil sa antala ng paglabas ng shipment gawa ng alert status nito, malaki ang nalulugi ng mga importers o brokers.
Napapalabas na lang ang shipment kapag naglagay ng suhol ang importer o broker nito.
***
Ngayong pumasok na ang NBI sa anti-smuggling drive, nanginginig ngayon ang mga taga-Bureau of Customs na kakutsaba ng mga smugglers.
Mas interesado kasi ang NBI na malaman kung sino ang pumirma upang ma-release ang isang shipment kesa kung ano ang nilalaman nito.
Sasampahan ng karampatang kaso ang mga Customs officials na pumirma ng release order sa isang shipment na nahulihan na may mga misdeclared items.
Sumama na ang NBI sa anti-smuggling drive matapos lumusot sa mga taga customs ang isang shipment na naglalaman ng P6.4 bilyon ng shabu.
***
Isang bilyonaryong Mainland Chinese na ang pangalan ay Rich Zhang (Zhang Yongdong) ay sasali sa bidding na magtayo ng telecommunications company sa bansa.
Kapag nanalo ang kumpanya ni Zhang sa bidding, magiging karibal niya ang duopoly ng Globe at Smart telecommunications na nagbibigay ng pangit na serbisyo sa mga gumagamit ng cellphone at Internet.
May-ari si Zhang, na 42 taong gulang lang, ng Northern Group Co. Ltd., isang telecommunications company na tanging pag-aari ng isang private citizen sa China; ang ibang telecommunications firms ay pag-aari ng gobyerno.
Nag-courtesy call si Zhang kay Pangulong Digong noong Martes sa Malakanyang.
Nag-donate ng P200 milyon si Zhang para sa rehabilitasyon ng Marawi City.