NANANAKOT ba si Human Rights Commissioner Leila de Lima nang magbabala siya na idedeklara ang martial law sa Metro Manila kapag ilipat dito ang lahat na bista ng mga Ampatuan? O ibig lang niyang ma-headline na naman ng mga dyaryo ? Sa babala ni De Lima, tiyak pagpipiyestahan siya ng mga tabloid at radyo. Tiyak, sikat na naman siya.
Patunay na katiting lang ang alam ni De Lima sa Maguindanao. Patunay na di kilala ni De Lima ang mga Ampatuan.
Aha! Ang basehan pala ni De Lima ay ang umano’y ulat ng NBI na maaaring i-rescue ng mga supporters ng Ampatuan ang nakakulong na sa Andal Jr.
Ganun?
Ibig sabihin, tanga ang NBI nang pumayag itong makulong sa selda nila si Andal dahil “malaking peligro” ang kanilang haharapin?
Ibig sabihin ba, mahina ang NBI? Mahina ang National Capital Region Police Office? Mahina ang AFP NCR Command? Mahina ang Manila Police District? Mahina ang gobyerno?
Ibig sabihin ba, magkakamali na naman ang lalagda sa proklamasyon ng Martial Law2?
LITO BAUTISTA, Executive Editor
BANDERA, 121109