Bugbugin si GMA, di ang martial law

MALINAW na si Pangulong Arroyo ang gustong umugin ng oposisyon, pati na ang mga kongresistang Muslim na sa tagal ng panahon sa Kamara ay walang nagawa para mabawasan ang bilang ng malalakas na armas sa Mindanao (may kasabihan na mas gusto pa ng Moro na kasiping ang baril kesa asawa), walang nagawa para malansag ang Abu Sayyaf at mga armadong grupo; at mas lalong walang nagawa para paunlarin ang kanilang kabuhayan at iangat ang mahihirap sa lusak.
Sige, bugbugin ninyo ang babae at maliit.  Yan ang demokrasya natin.
Habang nagtatagisan at nagpapagalingan ng debate noong Huwebes ng gabi, sa mata ng mga di pumapansin sa karahasan ay mali ang Presidential Proclamation 1959.  Wala raw invasion (kung magkaroon man ng invasion mula sa malalakas na bansa, tulad ng Indonesia, Malaysia, China at Taiwan, hindi makatutulong ang martial law, kaya ang mga nag-remodel ng batas na ito ay nakalimutan na tayo ang pinakamahinang bansa sa Asya dahil malakas tayo sa politika at showbiz); at wala raw rebellion (siyempre igigiit nila na walang rebellion dahil pag-nauntog ang pangulo baka ibaba ang martial law sa Quezon, ilang lalawigan sa Bicol, lalo na ang Sorsogon, Abra, Samar at ilang lalawigan sa Northern Mindanao, na may malinaw na rebellion ng mga komunista).
Hayan ang ating mga sinusustentuhan, ayaw ng katahimikan at gusto ang gulo.

LITO BAUTISTA, Executive Editor
BANDERA, 121009

Read more...