DAPAT managot ang mga pabayang opisyal kaugnay ng kaso ng Overseas Filipino worker (OFW) na di Joanna Demafelis, na nagtagpuan sa loob ng freezer.
Naiuwi na ang mga labi ni Demafelis mula sa Kuwait samantalang hustisya ang isinisigaw ng kanyang pamilya.
Ayon kasi sa pamilya ni Demafelis, posibleng naisalba pa ang buhay ng biktima kung umaksyon lamang ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) and Overseas Workers Welfare Association (OWWA).
Batay sa pamilya ng biktima, Hunyo 2016 pa lamang ay humihingi na sila ng tulong sa POEA at OWWA ngunit dinribol lamang sila ng mga naturang opisyal ng mga ahensiya.
Pinagpasa-pasahan ang reklamo ng pamilya ng biktima imbes na aksyunan.
Mismong si Pangulong Duterte na ang umaksyon sa kaso ni Demafelis matapos namang magpatupad ng deployment ban ng mga OFWs sa Kuwait.
Hindi lamang ang mga employer ni Demafelis na nasa likod ng pagkamatay ng biktima ang dapat mapanagot sa kaso kundi ang mga pabayang opisyal ng OWWA at POEA.
Kaya nga tayo may OWWA at POEA at mga kaukulang ahensiya na itinalaga sa iba’t ibang bansa ay para mapangalagaan ang mga Pinoy na nasa iba’t ibang panig ng mundo.
Bagamat huli na, dapat ay turuan ng leksiyon ang pabayang mga opisyal na ito.
Ningas kugon ang alam ng maraming opisyal. Dahil mainit ang isyu ngayon, tiyak na nagpapakitang gilas ang mga kaukulang ahensiya matapos ipatupad ang deployment ban sa Kuwait.
Maaaring hindi rin umabot sa deployment ban ang naging desisyon ng Pangulong Duterte kung umaksyon lamang ang mga opisyal sa bawat kaso na idinudulog ng pamilya ng mga OFWs.
Ngunit dahil nga huli na, ang tanging hustisya na lamang ang maaaring isigaw ng pamilya ni Demafelis.
Hindi dapat nagsisilbi sa gobyerno, partikular sa OWWA at POEA ang mga opisyal na nakaupo lamang at sumusweldo nang hindi ginagawa ang trabaho.
Hindi biro ang mawalan ng mahal sa buhay lalu na kung nagtiis ang isang OFW na mawalay sa kanyang pamilya para lamang kumita ng pera.
Napakaraming Pinoy ang nagpapakaalila sa ibang bansa sa kagustuhang kumita dahil alam nilang hindi kikitain sa loob ng bansa, bagamat ang isang paa ay nasa hukay na dahil sa hindi tiyak na kakasadlakan sa kanilang pupuntahan.
Nakikiramay ang mga Pinoy sa pamilya ni Demafelis at nakikiisa rin sa pagsigaw ng hustisya para sa kanya.