ITO ang ikalawang bahagi ng naging panayam namin kay KZ Tandingan tungkol sa naging experience niya sa pagsali sa reality singing competition ng China, ang Singer 2018 kung saan wagi agad siya sa unang sabak pa lang sa labanan.
Napanood si KZ bilang challenger sa 5th episode ng Singer 2018 at siya nga agad ang nanalo sa botohan, tinalo pa niya ang idol niyang si Jessie J ng UK na consistent number one for three consecutive episodes.
Inamin ni KZ na wala siyang expectation sa pagsali niya sa contest, kahit daw noong nag-audition siya, “Hindi talaga ako nag-expect ng kahit na ano kasi alam ko, isa lang ‘yung hinahanap nila sa buong Asia tapos mayroon din silang nahanap na artist from UK, si Jessie J nga. Tapos tumawag na sa akin si sir Jeff (Vallido-VP ng Cornerstone) na, ‘O, ready ka na, punta na tayo ng China.’
“Hindi ako makapaniwala kaya panay ang text ko sa manager naming si sir Erickson (Raymundo) na, ‘sir sure na po ba, baka puwede pa po tayong umatras, kasi nakakalula kasi everytime na pinapanood ko ‘yung show, sumasama ang pakiramdam ko, parang magkakasakit ako.
“Kaya nu’ng nag-decide akong i-pursue ‘yung opportunity, sobrang talon sa bangin kasi siyempre unang-una, I’ve never had a chance to perform in China, hindi mo alam kung ano ‘yung ie-expect mo, hindi mo alam kung gusto nila o magugustuhan nila ako as a performer.
“Pero the moment na lumabas ako sa dome nila, may mga ilaw, lahat ng audience were on their feet and clapping and welcoming me, so sobrang thankful kasi pumunta ako roon ng walang ini-expect,” kuwento ni KZ.
Weekly napapanood ang Singer 2018 with 14 episodes (nagsimula noong Enero 12 hanggang Abril 20) kaya sa natitirang nine episodes ay kailangang hindi mawala si KZ sa top 4 para diretso siya sa finals. Pero nalaman namin na wala palang premyo ang mananalo.
Kaya ang tanong kay KZ, bakit pa siya sumali? “Gusto kong i-represent ang OPM sa world stage at gusto kong maging paraan din ito para maraming opportunities na magbukas sa OPM artists,” saad niya.
Ang istilo ng Singer 2018 ay parang, “Concert, bongga ‘yung set-up na you get to do everything. Ang Chinese audience na nasa loob ng venue ay 500 lahat at sinasala sila.
“They applied to be part of the audience, kailangan may alam sila sa music and everything kasi magdya-judge sila and iba ang demographics from 10 to 50 (years old) merong nakakapanood and they pay for the tickets (entrance). At ‘yung iba sa kanila ay naghihintay for 6 or 2 years bago makapanood,” paliwanag ng dalaga.
At ang Chinese audience raw ang boboto kung sino ang mananalo, “Meron silang tatlong ballots na ilalagay nila sa boxes kung sino ‘yung top 3 na gusto nila at dito bibilangin kung sino ‘yung pinakamataas na votes, yun ang pagkakaalam ko,” aniya pa.
At sa natitirang nine episodes ng show, “As a challenger dapat sa unang salang ko, hindi ako dapat mag-rank 8, kasi ito na ‘yung pinaka-lowest. So para mag-stay ako, dapat above number 8, sa second performance ko, kukunin ‘yung average ko sa 1st and 2nd at kailangan pasok ako sa top 4, kung hindi, babu na,” esplika ni KZ.
q q q
Sa tanong namin kung pakiramdam ba niya ay pinapanood na ni Jessie J ang videos niya para pag-aralan ang kanyang style, para sa susunod nilang paghaharap ay mas handa na siya.
“Hindi ko nga po alam, wala na nga raw panahong matulog ‘yun, eh. Kung ako nga pagod din ang lapit lang ng Pilipinas sa China, how much more siya na pauwi-uwi ng LA (Los Angeles, USA) tapos may mga shows at gigs pa. RM (road manager) ako? Alam ang schedule?” tumatawang sabi ni KZ. Dugtog pa niya,
“Sobrang bait po talaga niya, walang kabahid-bahid na nakikipag-compete.”
Kaya sa muling pagkikita raw nila ni Jessie J ay ipapanood daw niya ang panggagaya niya sa international singer sa Your Face Sounds Familiar kung saan kinanta niya ang “Price Tag”.
“Dapat ipapakita ko talaga, e, ang hirap kasi ng internet doon (China), illegal. Bawal ang Facebook, Google, lahat wala ring Instagram,” ani KZ.
Anyway, sa katapusan ng buwan ang balik ni KZ sa China at nakapag-tape na raw sila ng ilang episodes.