BIGO na makapagwagi ng anumang medalya ang unang Pilipinong Winter Games Olympian na si Michael Christian Martinez matapos na magkasya lamang sa ika-28 mula sa kabuuang 30 kasali sa short program at mapatalsik sa free skate finals ng 2018 Winter Olympics sa Pyeongchang, South Korea.
Hindi nagawa ng figure skater na si Martinez na makuha ang mataas na puntos mula sa mga hurado para sa kinakailangan na Top 24 matapos na magtala lamang ng iskor na 55.56 at tuluyang magpaalam sa kanyang ikalawang tsansa sa pagsabak sa kada apat na taong torneo.
Si Martinez, na nasungkit ang silya sa Games sa huling minuto matapos umatras ang ilang nakapagkuwalipika, ay ikaanim na performer sa 30 kalahok sa short program event ng men’s single skating.
Ang Pilipinong skater, na unang Southeast Asian skater na nakalahok sa Games matapos magkuwalipika sa 2014 Sochi Winter Olympics, ay nakamit ang karapatang makalahok sa Games may tatlong linggo na lamang ang natitira matapos umatras si Alexander Majorov ng Sweden.
Si Martinez ang una sa waiting list sakaling may umatras sa torneo matapos itong kapusin sa kailangang puwesto na magkukuwalipika sa Nebelhorn Trophy Competition noong Setyembre 2017.
Matapos ang kabiguan ng 21-anyos na si Martinez, na tumapos lamang na 19 mula sa 24 skaters sa Sochi, ay naiwan na lamang sa huling Pilipino na sasabak sa torneo na si 17-anyos na skier na si Asa Bisquera Miller ang pag-asa ng bansa na makapag-uwi ng medalya. Sasalang si Miller sa men’s giant slalom event bukas.
Si Miller, na lumaki sa Portland, Oregon at ang ina na si Polly ay mula naman sa Sta. Cruz, Maynila ay sumabak sa 2017 Junior World Championships sa Sweden.