SINO ba naman ang gusto na malasin ang kanyang taon?
Kaya ngayong araw—Chinese New Year at simula ng Year of the Earth Dog—may mga bagay na pwede kang gawin para layuan ka ng malas, ayon sa pamahiin ng mga Tsino.
Buhok
Malas para sa mga Chinese ang pagpapagupit sa unang araw ng bagong taon. Para sa kanila ito ay simbolo ng pagputol sa iyong buhay o pagpapaikli ng iyong buhay.
Hindi naman ipinagbabawal ang pagpapagupit ilang araw bago ang bagong taon.
Linis
May dahilan na ang mga tamad.
Bawal daw maglinis sa unang araw ng bagong taon kaya maglinis na sa bisperas nito.
May paniniwala na ang paglilinis sa New Year”s Eve ay pagwawalis ng kamakalasan na inabot mo sa papatapos na taon.
Pero kung ikaw ay magwawalis sa unang araw ng bagong taon ay parang winawalis mo na rin palabas ang suwerte.
Ganito rin ang pamahiin sa paglalaba. Bawal maglaba sa unang araw ng taon.
Regalo
Gusto mo bang magregalo sa araw ng Chinese New Year? Pwede naman pero may mga bagay na hindi mo dapat ibigay sa kapwa mo.
Gaya ng relo na iniuugnay sa pagpunta sa funeral parade. Parang sinasabi mo na may mamamatay.
No way din ang payong na panvregalo dahil simbolo ito ng paghihiwalay. Huwag itong ibigay lalo na sa mga tao na gusto mo ay malapit sa iyo.
Ang peras (pears) ay paghihiwalay din ang isinisimbolo kaya huwag na itong ihalo sa iyong fruit basket.
Malas din ang titingin sa salamin dahil may paniniwala na naga-attract ito ng masamang espirito.
Ang sapatos na regalo ay hindi rin maganda ang reputasyon dahil sa kaugnayan nito sa bad luck.
Numero
Sa bawat kultura ay mayroong kanya-kanyang itinuturing na malas na numero.
Sa China ang mga numero na pares ay ikinokonsiderang suwerte.
Pero ang numero 4 ay hindi maganda para sa kanila dahil may kaugnayan umano ito sa kamatayan.
Masuwerte naman ang tingin nila sa doble 4 o 8 na iniuugnay sa kayamanan o kasaganaan ng buhay.
Kulay
Mahalaga ang kulay sa mga pamahiin.
Ang pula ay masuwerte kaya dapat ay nakikita ito sa lahat ng bahagi ng bahay.
Kaya marami ang nagsusuot ng pula kapag sinasalubong ang bagong taon.
Ang puti at itim ay kulay naman ng patay kaya lumayo sa mga kulay na ito sa Pebrero 16.
Pagkain
Wala namang universal na unlucky food para sa mga Chinese pero mayroong mga paniwala sa iba’t ibang probinsya ng China.
May nagsasabi na bawal kumain ng lugaw sa unang umaga ng bagong taon dahil sumisimbolo ito ng kahirapan. Ang dapat ay puting kanin.
Ilan naman ang naniniwala na dapat gulay ang pagkain sa pagsalubong dahil malas daw ang patay na hayop.
Sa mga probinsya sa hilagang China ay kumakain sila ng mga dumpling dahil sumisimbolo ito sa mga minang ginto na magpapataas umano sa tiyansa na sumagana ang iyong bagong taon.
Sa mga probinsya naman sa katimugang bahagi, ang masuwerte para sa kania ay malagkit na kanin na kanilang binibilog at nilalagyan ng palaman sa loob.
Isda
Para sa mga Chinese, mayroong tamang pagkain ng isda.
Masuwerte ang paghahain ng buong isda—mayroong ulo at buntot—dahil nangangahulugan ito ng simula at katapusan.
Hindi rin maganda na baliktarin ang isda kapag naubos na ang kabiyak. Dapat ay aalisin ang buto o tinik nito sa gitna. Ang pagbaliktad ng isda ay nangangahulugan umano ng pagtaob ng bangka kaya bawal itong gawin lalo na ng mga mangingisda.
Gabi
Gaya ng Pasko, dapat ay magkakasama ang pamilya sa pagsalubong ng bagong taon at pagtatapos ng lilipas na taon.
Kaya naman sa China, paglalakbay ang sumasabay sa mga huling araw ng taon.
Marami ang bumabalik sa kanilang pamilya upang sila ay magkasama-sama.
Tradisyon din ang pagpapaputok na pinaniniwalaan na nagtataboy ng masamang espirito.