Aktres ayaw mag-workshop, tinanggal sa sikat na serye
SAYANG na pagkakataon, sayang na materyal, sayang na oportunidad. Ganu’n ang komento ng maraming personalidad tungkol sa pinakawalang trabaho ng isang magandang aktres na hindi na masyadong bata pero hindi pa naman senior citizen.
Nakasama siya ng produksiyon sa una at pangalawang meeting, maayos ang takbo ng transaksiyon, hanggang sa biglang nagkaroon ng problema nang hindi matanggap ng female personality na kailangan niyang sumailalim sa isang workshop.
Kuwento ng aming source, “Hindi lang naman siya ang pinagwo-workshop, lahat naman ng mga main characters ng seryeng ipalalabas ng network, ewan naman kung bakit siya nag-inarte nang hindi tama!
“Kahit naman ang mga sikat na artista ngayon, kapag may gagawing project sa network, e, dumadaan sa workshop. Pinagbi-VTR pa nga muna ang ibang artista para makita ang rehistro nila sa camera.
“Aba, ang lola n’yo, bigla na lang nagtatalak sa isang production staff, bakit daw kailangang mag-undergo pa siya ng workshop, sa tagal na raw ba naman niya sa pag-arte, e, may kulang pa sa kanya?
“Kung anu-ano na ang pinagsasabi niya, kulang na lang na basahan pa niya ng mga credentials niya ang staff, inis na inis siya!” simulang kuwento ng aming impormante.
Nang makarating ang reklamo niya sa pinaka-head ng production ay nag-iisip agad ang buong grupo.
Kung sa umpisa pa lang ay ganyan na siya, baka mas malaking problema pa ang ibigay niya kapag nagtagal na ang kanilang taping, kaya naghanap na ng ibang papalit sa kanya ang produksiyon.
Isa pang hirit ng aming source, “Sinabi niya na hindi bale na lang, hindi raw siya sasailalim sa workshop, kaya ‘yun ang sinabi ng staff sa boss nila. Pero heto na. Nu’ng ipaalam na sa kanya na hindi na siya ang gaganap sa ang ganda-ganda pa namang role, e, biglang kambiyo siya.
“Gusto na raw niyang gawin ang serye, okey na raw siya sa workshop, dahil familiarity lang naman pala sa role na gagampanan niya ang workshop na ‘yun! Okey na raw siya!
“Pero huli na ang lahat, may nakapalit na siya, isang magaling na female personality na napaka-professional pa. Sayang, di ba naman, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio?
“Sayang talaga, naalis siya sa serye, naalis ang name niya sa final casting, naalis ang pinagpipistahan pa namang serye ngayon sa kanya!” pagtatapos ng aming soure.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.