Patay kay 'Basyang' 10 na | Bandera

Patay kay ‘Basyang’ 10 na

John Roson - February 14, 2018 - 07:44 PM
Umabot na sa 10 ang naiulat na nasawi dahil sa bagyong “Basyang,” na nag-iwan ng mga flashflood at landslide sa Mindanao at Visayas, ayon sa mga otoridad. Dahil din kay “Basyang,” aabot sa 40,000 katao, karamihan sa Caraga region, ang nagsilikas. Anim ang nasawi dahil sa mga landslide sa Carrascal, Surigao del Sur, at Placer, Surigao del Norte, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Caraga. Isang batang babae ang nalunod sa kanal doon din sa Placer, habang isang 21-anyos na lalaki ang nalunod sa ilog sa Santiago, Agusan del Norte, ayon sa ulat. Labinlima katao ang nasugatan habang dalawa pa ang nawawala sa Brgy. Sibahay ng Lanuza, Surigao del Sur. Sa Guihulngan City, Negros Oriental, nalunod ang 71-anyos na si Gaudiosa Lania sa umapaw na creek ng Brgy. Trinidad, Martes ng umaga, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police. Ilang oras bago iyon, dakong alas-3 ng umaga, nasugatan ang 12-anyos na si Jhena Mae Balos nang itumba ng malakas na hangin ang puno ng niyog sa kanilang bahay sa Brgy. Cang-inte, Siquijor, Siquijor. Una nang inulat ng pulisya na isang 2-buwang sanggol na lalaki ang nasawi nang matabunan ng landslide ang kanilang bahay sa Albuera, Leyte. Apat na bahay naman ang natabunan ng isa pang landslide sa Sitio Kauswagan, Brgy. Barayong, ng Palo, doon din sa Leyte, alas-11 ng umaga Miyerkules, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police. Walang naulat na casualty dahil nakalikas ang nakatira sa mga bahay bagp ang insidente, aniya. Sa Caraga, umabot sa 37,376 katao ang lumikas sa Agusan del Norte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Dinagat Islands, ngunit mahigit 5,000 sa kanila ang nakauwi na Miyerkules. Dahil sa mga epekto ng pagbaha at landslide, isinailalim ang mga bayan ng Carrascal at Lanuza sa state of calamity, ayon sa OCD. (John Roson)

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending