MULING nakasama ni Andray Blatche ang mga kakampi sa Gilas Pilipinas matapos dumalo Lunes sa pagsisimula ng daily team training ng koponan sa West Greenhills Gym.
Si Blatche ang pinakabagong manlalaro sa dumalo sa sesyong isinisagawa ni Gilas coach Chot Reyes na dinaluhan din 12 local player.
Kabilang sa mga dumalo sa team practice kahapon sina Jayson Castro, June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Kevin Alas, Roger Pogoy, Jio Jalalon, Matthew Wright, Carl Bryan Cruz at Kiefer Ravena.
Dumalo rin si Calvin Abueva subalit sinabi ni Reyes na baka hindi na niya ito maisama sa roster para sa gaganaping February window.
Nakadalo rin si Japeth Aguilar subalit nanood lamang ito mula sa sideline.
Ang big man at miyembro ng Gilas 23-for-23 cadet list ni Reyes na si Abu Tratter ay sumama rin sa team practice.
Ang Gilas, na nauna nang nagwagi sa Chinese Taipei at Japan noong Nobyembre, ay naghahanda na para sa second window ng 2019 FIBA World Cup Asian qualifiers kung saan makakaharap nila ang Australia sa Pebrero 22 sa Melbourne bago bumalik ng bansa para makasagupa ang Japan sa Pebrero 25 sa Mall of Asia Arena.
Sa first window ng FIBA World Cup qualifier noong Nobyembre ay tinalo ng Pilipinas ang Japan, 77-71, sa larong ginanap sa Tokyo bago isinunod ang Chinese Taipei, 90-83, sa kanilang laban na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.
Kasama ng Pilipinas sa Group B ang Australia, Japan at Chinese Taipei at paglalaban nila ang isa sa pitong puwesto na nakalaan para sa Asya sa FIBA World Cup sa 2019.
Ang China, na siyang host ng nasabing event, ay may puwesto na sa main draw.