Blackwater Elite ginulat ang San Miguel Beermen


Laro sa Pebrero 10
(Calasiao Sports Complex)
5 p.m. Rain or Shine vs Magnolia

PINIGILAN ng Blackwater Elite ang asam na ikapitong panalo ng San Miguel Beermen matapos nitong itala ang 106-96 pagwawagi sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup game Biyernes sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Nagtulong sina Michael Digregorio at JP Erram sa importanteng yugto ng laro upang ilista ng Elite ang 3-5 kartada at buhayin ang natitirang tsansa na makaagaw ng silya sa quarterfinals.

Ipinalasap naman ng Elite ang ikalawang talo ng Beermen sa kabuuang walong laban.

Nagtipon si Digregorio ng 26 puntos habang si Erram ay may 24 puntos.

Naging mahigpitan ang unang dalawang yugto kung saan dalawang puntos lang ang abante ng Beermen, 45-43, sa halftime.

Kumana para sa San Miguel Beer si Arwind Santos na may 22 puntos at 9 rebound habang bumakas si Chris Ross ng 20 puntos, 9 rebound at 7 assist.

Samantala, pilit na sosolohin ng Magnolia Hotshots ang unang puwesto sa team standings sa pagharap sa Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-5 ng hapon sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.

Tangan ang 6-2 karta, masosolo ng Hotshots ang top spot kapag tinalo nila ang Elasto Painters ngayon.

Galing sa talo ang Magnolia matapos silang maungusan ng San Miguel Beer, 77-76, noong Linggo.

Inaasahang mapapalaban muli ang Hotshots dahil kalaban nila ang Elasto Painters na magmumula sa two-game winning streak.

Sasandalan ng Hotshots ang mga beteranong sina PJ Simon at Marc Pingris kasama sina Mark Barroca, Ian Sangalang at Jio Jalalon.

Para sa Rain or Shine, ibabandera nila sina Beau Belga, Raymond Almazan at Gabe Norwood.

Read more...