BASTA magsalita si William ‘‘Butch’’ Ramirez, chairman ng Philippine Sports Commission, asahan mong marami ang makikinig.
Una, malaki ang papel na ginagampanan ni Ramirez kasama ang mga PSC Commissioners na sina Ramon ‘‘El Presidente’’ Fernandez, Charles Maxey, Arnold Agustin at Celia Kiram sa paglalagay sa tamang landas ng Pinoy palakasan.
PSC ang ahensya ng gobyerno na magtatakda kung ano ang mga palakasan na dapat pondohan upang ibalik ang kislap ng bansa sa larangan ng palakasan.
Ikalawa, dahil nakatungtong sa lupa, alam at nararamdaman ni Chairman Ramirez ang tunay na damdamin ng mga atletang napapabayaan o napapagsamantalahan ng kani-kanilang mga opisyal. Sabi nga ay hindi siya lutang sa katotohanan.
Ikatlo, napapanahon at may katuturan ang sinasabi ni Ramirez na palagiang sinasabi siya ay ‘‘extension’’ ni Pangulong Duterte na malinaw ang sinasabing alagaan at huwag pabayaan ang mga atleta.
Ikaapat, bakas kay Ramirez ang katapatan sa kanyang pagsasalita. Sa aking palagay ito ay dahil siya ay dating atleta at pinanday na rin ng karanasan sapagkat hindi naman siya bago sa kanyang posisyon.
Ikalima, malinaw sa akin na magaan ang loob ng mga mamamahayag kay Ramirez sapagkat ‘‘they can identify with him.’’ Sa totoo lang, hindi laki sa layaw si Ramirez kaya naman siya ay madaling kausap at lapitan. Tunay na kaibigan sa karamihan sa mga mamamahayag.
Maganda ang palitan ng mga kuro-kuro at nakakapagbukas ng saradong isipan ang usapan ni Ramirez kasama sina Fernandez at Maxey at ng mga opisyal ng bagong tatag na Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) noong nakaraang Huwebes sa opisina ng ahensya sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Maynila.
‘‘Once in a blue moon’’ lang akong bumisita sa PSC at ako’y nagulat sapagkat marami na ang nagbago sa ahensya. May elevator na at gumanda ang mga opisinang pawang air-conditioned. Kakaiba ang ‘‘aura’’ ng ahensya sa ilalim ni Ramirez. Maliliksi ang kilos, masasaya tulad ni media officer Malyn Bamba at ramdam ko, na naglalabas ng positibong enerhiya ang mga kawani ng ahensya sa ilalim ni Ramirez.
Kutob ko ay alam ng mga kawani na nasa tamang direksyon ang PSC na nagnanais na baguhin ang lumang kalakaran ng palakasan sa bansa. Nais ni Ramirez kasama sina Fernandez at Maxey na ibigay ang nararapat sa mga atleta.
Matibay ang paniniwala ni Ramirez na ito na ang tamang panahon upang isulong ng PSC ang pagtutuon ng buong pansin sa tinagurian niyang ‘‘Focus Sports’’ upang mapaigting ang pag-asa ng bansa na tapusin ang tagtuyot sa Olympic gold.
Handa ang PSC na putulin ang suporta sa mga palakasan na walang pag-asang pumapel sa Olympics upang ibuhos ang suporta sa mga tinaguriang ‘‘elite athletes.’’
‘‘Political will’’ ang paiiralin ng PSC na suportado ng Senado at siyempre pa ni Pangulong Duterte.
Ngunit nilinaw ni Ramirez na hindi padalos-dalos ang ahensya sa mga desisyon. Hinihimay nina Ramirez at ng mga opisyal ng ahensya ang bawat desisyon sapagkat alam nila na malaki ang magiging epekto nito sa mga atleta.
Bagamat nakatuon sa Olympics, hindi naman nakakalimutan ng PSC ang Southeast Asian Games na gagawin dito sa 2019.
‘‘Alam ninyo naman na parang piyesta ang SEA Games.’’
Isa ang tiyak, piyesta ang buong Pilipinas kung mahuhukay ng bansa ang ginto sa Olympics sa tulong na maka-atletang isusulong ng PSC sa kumpas ni Ramirez.