Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. San Miguel Beer vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Meralco
Team Standings: San Miguel Beer (6-1); Magnolia (6-2); Alaska (6-2); Rain or Shine (4-3); TNT KaTropa (4-4); Phoenix Petroleum (4-4); Barangay Ginebra (4-4); NLEX (3-4); Globalport (3-4); Meralco (2-5); Blackwater (2-5); Kia Picanto (1-7)
KASALUKUYANG nangunguna ang San Miguel Beermen na may anim na panalo at isang talo sa 2018 PBA Philippine Cup.
Gayunman, kabuntot lamang nito sa pangalawang puwesto ang Alaska Aces at Magnolia Hotshots na parehong may 6-2 kartada.
Ngayong alas-4:30 ng hapon ay makakasagupa ng Beermen ang Blackwater Elite sa Cuneta Astrodome.
Bagaman llamadong maituturing ang San Miguel sa labang ito ay hindi pasisiguro si Beermen coach Leo Austria na nais makuha ang top ranking sa pagtatapos ng elims.
Ang huling tatlong makakasagupa ng San Miguel ay Kia Picanto, Alaska at Rain or Shine Elasto Painters.
“These games will practically decide whether we get it (a top two finish) and I will tell my players that we need to go all out (in these games),” sabi ni Austria na huling iginiya sa panalo ang San Miguel laban sa Magnolia, 77-76.
Kapag natalo ang Beermen sa Elite ngayon ay magtatabla-tabla sa unang puwesto ang SMB, Alaska at Magnolia na ayaw mangyari ni Austria.
Ang Blackwater, na may four-game losing streak, ay nangangailangan ng panalo para makaiwas na mapabilang sa huling apat na koponan sa maagang magbabakasyon.
Kasalukuyan itong may 2-5 record katabla ng Meralco Bolts sa ika-10 puwesto.
Sa ikalawang laro ay maghaharap ang NLEX Road Warriors at Meralco Bolts.
Ang NLEX at galing sa 81-78 panalo kontra Barangay Ginebra Gin Kings na nagpaangat dito sa panalo-talong kartadang 3-4.
Ang Meralco naman ay galing sa dalawang dikit na kabiguan na ang pinakahuli ay sa GlobalPort Batang Pier, 88-107.