Mga Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. San Miguel Beer vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Meralco
INIHULOG ni Matthew Wright ang isang tres bago isinagawa ang isang pasa kay Doug Kramer upang tulungan ang Phoenix Fuel Masters na maitakas 74-72 panalo kontra TNT KaTropa sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup Miyerkules sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Buong laro na naging mahigpitan ang labanan kung saan madalas naghabol ang Fuel Masters bago na lang nagawa ni Wright ihulog ang krusyal na tres sa natitirang 44 segundo ng laro para itabla ang iskor sa 72-all at ipasa ang bola kay Kramer sa huling tatlong segundo upang itulak ang koponan sa ikaapat na panalo sa walong laro.
“It is just the shot that I needed. I have been working on that all along and I’m so happy that I got it in this game,” sabi ni Wright, na isinilebra ang kanyang kaarawan sa pagtala nito ng 16 puntos, limang rebound at dalawang assist.
May pagkakataon pa sana ang KaTropa na maitulak sa dagdag na limang minuto ang labanan subalit hindi nagawa ni Kelly Williams na maihulog ang kanyang jumpshot upang mahulog ang kanyang koponan sa katulad na apat na kabiguan at apat na panalo sa torneo.
Nahirapan ang TNT matapos na magtamo ng injury sa pagsisimula ng ikaapat na yugto si Troy Rosario na agad na dinala sa Makati Medical Center para maobserbahan matapos ang masamang pagbagsak sa pag-aagawan sa bola.
Nagmistulang tumama ang ulo ng nasa ikatlong taon pa lamang na si Rosario sa sahig ng MOA Arena matapos itong aksidente na madaanan ng Phoenix rookie na si Jason Perkins na tila napatid naman sa paa ni Williams, may 11:36 pa sa ikaapat na yugto.
Napahiga si Rosario sa sahig ng mahigit sa 10 minuto kung saan inasikaso ito ng mga medical personnel at team official bago nailagay sa stretcher at agad na dinala ng ambulansiya patungo sa Makati Medical Center.
Abante ang KaTropa sa 61-58 bago naganap ang insidente kay Rosario. Si Rosario ay nakapagtala ng apat na puntos, walong rebound at isang assist sa 20 minutong paglalaro.