Salamat, Barry | Bandera

Salamat, Barry

Frederick Nasiad - February 08, 2018 - 12:06 AM

“AS your day progresses, realize how blessed you are to be alive and joyful. Refuse to let trials rob you of your joy to live…”

Isa iyan sa mga huling text sa akin ni Barry Pascua noong isang linggo.

Tuwing umaga kasi ay tumutunog ang aking cellphone at nagigising ako sa mga inspirational messages, prayers at, kung minsan, ay mga jokes mula kay Barry.

Isang umaga ay bigla na lang itong natigil. Tiningnan ko pa ang aking lumang cellphone kung may nakaligtaan akong basahin mula kay Barry.

Walang text mula sa kanya noong araw na iyon. Bagaman nag-alala ako ay sinabi ko na lang sa sarili ko na baka nagpa-dialysis lamang siya kaya siya hindi naka-text.

Magtatanghali ng Pebrero 2 ay nag-post si Alder sa aming chat group na pumanaw na nga si Barry nang umagang iyon.

Napatigil ako sa aking ginagawa at parang daluyong na nagbalik sa aking alaala ang aming mga kuwentuhan, tawanan at inuman.

Naaalala ko pa rin ang una naming pagkikita noong 1995.

Ako’y isang payatot na mag-aaral ng Trinity College of Quezon City (na ngayon ay Trinity University of Asia na) na nakaupo sa kanyang maliit na opisina sa Atlas Sports Weekly Magazine.

Siya ang editor-in-chief ng sikat na sports magazine na iyon na aking binabasa noon pang nasa high school ako.

Nakaupo ako’t kinakabahan katabi ng kaklase at kaibigan kong si Rufino Tima Jr. para mag-apply kay Barry para mag-on-the-job training (OJT) o practicum.

Nakatalikod sa amin si Barry noon at tila seryoso sa kanyang pagmamakinilya. Para sa kapakanan ng mga millennials, ang english ng makinilya ay typewriter. (Ay, millennial ka nga pala, baka typewriter ay di mo rin kilala)

Ang bilis niyang magmakinilya. Tuloy-tuloy ang pindot. Ni hindi ko nga yata siya nakitang huminto para mag-isip.

Wala pang 10 minutong paghihintay ay natapos na ni Barry ang kanyang ginagawa. Isa pala iyong feature article para sa sports magazine.

Agad niyang inabot ang dalawang pirasong bond paper sa nagngangalang “Ezra” para matipa at mai-layout sa magazine saka niya kami hinarap.

Inabot namin ni Raffy kay Barry ang sulat mula sa aming dean na si Dr. Erlinda Rosales na ninang pala niya sa kasal.

Doon ko nalamang taga-Trinity din pala si Barry at agad na nawala ang aking kaba.

May sinasabi pa siyang joke na hindi ko naman gaanong narinig dahil naglalaro sa isip ko noon kung tatanggapin ba kami ni Barry o hindi. Pero nakitawa ako kay Raffy na parang naintindihan ko ang joke ni Barry.

Isinilid ni Barry ang sulat sa kanyang drawer at agad na binigyan kami ni Raffy ng magkahiwalay na assignment na sa Biyernes namin ipapasa.

Teka lang, bakit ang bilis ng pasahan?

Sa school paper kasi umaabot ng isa o dalawang linggo (minsan nga buwan pa) bago ipapasa ang artikulo.

Hindi kami tinuring ni Barry na mga estudyante. Ang tingin niya sa amin ay tila mga manunulat na rin.

Ngayon ko lang naisip na sa araw na iyon, ipinakita ni Barry sa akin ang isang landas na dapat kong tahakin para marating ang aking pinapangarap na propesyon.

Sa araw na iyon ay nagbago ang aking mundo at nagkaroon ng direksyon ang aking buhay.
At utang ko ang lahat ng tinatamasa ko ngayon kay Barry.

Pagkatapos kasi ng OJT namin sa magazine ay agad na kinuha ako ni Barry bilang staff writer bago niya ako inirekomenda sa Bandera bilang assistant sports editor noong 1997.

Huling nagsulat ng “Lucky Shot” column sa Bandera si Barry noong Enero 27.

Halos limang taon din siyang pinahirapan ng sakit na diabetes pero sa gitna ng lahat ay patuloy pa rin siyang nagbibigay saya, ligaya at inspirasyon sa mga taong nasa paligid niya.

Kahapon ay na-cremate ang kanyang labi sa La Funeraria Paz sa Araneta Ave.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Paalam, Barry Pascua. Kaibigan. Kapanalig. Kabiruan. Kakuwentuhan. Kainuman. Ka-text. Katrabaho. At higit sa lahat, aking mentor at tagapayo sa buhay.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending