Ginebra llamado kontra Kia Picanto

Mga laro ngayon
(SM MOA Arena)
4:30 p.m. TNT KaTropa vs Phoenix
7 p.m. Kia Picanto
vs Barangay Ginebra
Team Standings: San Miguel Beer (6-1); Magnolia (6-2); Alaska (6-2); Rain or Shine (4-3); TNT KaTropa (4-3); Phoenix Petroleum (3-4); NLEX (3-4); Barangay Ginebra (3-4); GlobalPort (3-4); Meralco (2-5); Blackwater (2-5); KIA Picanto (1-6)

KASALUKUYANG nanganganib ang kalagayan ng Barangay Ginebra na may tatlong panalo at apat na talo sa 2018 PBA Philippine Cup.
Tila hirap makaalagwa ang Gin Kings sa torneyong ito at galing pa ito sa masaklap na 78-81 kabiguan kontra NLEX Road Warriors.
Pero may panahon pa para makaahon ang pinakasikat na koponan ng liga na kinukunsiderang llamado sa laban nito kontra kulelat na Kia Picanto umpisa alas-7 ngayong gabi sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Gayunman, hindi maaaring ismolin ng Ginebra ang Kia dahil sa kinalalagyan nitong 1-6 kartada ay tiyak na ibubuos na nila ang lahat ng makakaya para manalo at mapanatiling buhay ang tsansang makausad sa playoffs.
Walo lamang sa 12 koponan ng liga ang makaka-uusad sa playoffs habang ang huling apat na koponan pagkatapos ng elims ay maagang magbabakasyon.
Sa unang laro ganap na alas-4:30 ng hapon ay magsasagupa ang TNT KaTropa at Phoenix Fuelmasters.
Pakay ng KaTropa na makatapos sa unang dalawang puwesto na may regalong twice-to-beat advantage sa unang round ng playoffs.
“Our target is to finish in the top six and make sure that we’re not at a disadvantage (in the quarterfinals),” sabi ni TNT head coach Nash Racela. “If we get a shot at finishing in the top two, then we will definitely go for it.”
Tulad ng Ginebra ay may 3-4 baraha din ang Phoenix. Kapag nanalo ang Fuelmasters sa larong ito ay makakatabla nila ang KaTropa sa ikalimang puwesto.
Binigo ng Katropa sa huli nitong laban ang Kia Picanto, 90-85, habang nabigo naman ang Fuelmasters sa nakatapat na Alaska Aces, 75-93. —Angelito Oredo

Read more...