DAHIL sa programang Gandang Gabi Vice kaya napasama si Carlo Aquino sa “Meet Me In St. Gallen” na palabas na ngayong araw, Peb. 7 sa mga sinehan.
Ito ang sabi ni Erickson Raymundo nang makita namin nitong Lunes sa opisina niya para kunin ang ticket para sa advance screening ng pelikula na ginanap kagabi sa Trinoma Cinema 7.
“Wala kasi kaming maisip pang leading man. Tapos nanonood ako ng GGV, guests sina Carlo at JC (de Vera) para sa promo ng serye nila,” sabi ni Erickson na ang tinutukoy ay ang The Better Half.
“Nagulat ako kasi ang Carlo na nasa isip ko, totoy pa, e, nu’ng nakita ko siya sa GGV, mama na at ang ganda ng rehistro niya. So, the next day nabanggit ko dito sa office na si Carlo nga tapos napanood din pala nila ang GGV at lahat sila nag-agree na.
“Then nag-meeting na kami sa Spring Films, kami nina Tonette (Jadaone), si Joyce Bernal, Irene (Villamor) nagka-casting palang kami for a movie project.
“Kasi di ba, ganu’n ‘yung mga gusto namin, magagaling na hindi masyadong napapansin, then nag-agree silang lahat. Kaya nu’ng sinabi ko na si Carlo sa ‘St. Gallen’, lahat umokey. Sinabi ko naman ito kay Carlo na siya talaga ang choice ko,” kuwento ng Spring Films producer.
At dahil sa GGV napanood si Carlo kaya inimbita ni Erickson ang program producer ng show na si Lani Gutierrez sa advance screening para mapanood ang pelikula.
Binanggit namin sa producer-talent manager na sobra ang pasasalamat ni Carlo sa kanya dahil sa tinagal-tagal nito sa showbiz ay ngayon lang niya naranasang mag-shooting sa ibang bansa, makakita ng snow at maging leading man.
Si direk Irene Villamor ang sumulat ng script ng pelikula at konsepto nito na dapat may Christmas Village sa kuwento.
“Kaya naghanap sila kung saan (bansa) ang may Christmas Village. Hindi ko nga rin alam kung saan ‘yung St. Gallen, siya (Irene) ang nag-research.
“Plano nga kasi December gagawin (ang shooting) tapos ipapalabas namin ng January, right after MMFF para dikit pa sa Pasko. E, nu’ng ginagawa na, sabi, let’s not be pressured by time, kaya naging Pebrero na,” pahayag ni Erickson.
Biro namin sa Cornerstone at Spring Films CEO ay pataas nang pataas ang level ng bansang pinagsusyutingan ng mga pelikula, ang “Kita Kita” ay sa Japan ginawa habang itong “St. Gallen” ay sa Switzerland. Saan naman kaya ang susunod? “Sa Marawi,” natawang sagot niya.
Ang tungkol sa Marawi siege ang susunod na pelikula ng Spring Films na uumpisahan na ngayong Marso at locked-in sa location ang lahat ng artistang kasali rito. “Actually, ang usapan namin, depende sa availability ng artista, kung hindi puwede, wag pilitin kunin,” katwiran ni Erickson.
Aminado na malaking project ang Marawi dahil war movie ito tulad nga ng sinabi ni direk Joyce, naniniwala rin si Erickson na matatapos nila ito ng walang problema.