KUNG may magandang aral na natutuhan sa pulitika ang ating bida ay ito ang pagmamahal muna sa sarili.
Mula kasi nang matapos ang kanyang termino bilang isang local official at natalo naman sa pagtakbo sa isang national position ay biglang nag-iba ang takbo ng kanyang buhay.
Nawala ang mga inaakala niyang kaibigan na dati ay halos tumira na rin sa kanilang tahanan.
Nakilala bilang isang high roller sa mga casino ang bida sa ating kwento ngayong araw.
Palibhasa ay lumaki siyang mahirap kaya maaga siyang natuto na makipagsapalaran sa buhay.
Kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon sa pulitika sa murang edad pa lamang ay kaagad na niyang kinarir ang pagiging pulitiko.
Kasabay ng kanyang paglutang sa larangan ng pulitika ay ang pagkahilig niya sa iba’t ibang mga bisyo lalo na ng sugal.
Minsan na rin niyang inamin na malaking halaga ng salapi ang naitapon niya sa sugal pero hindi daw ito basta bisyo dahil ginamit niya ang sugal para makadikit sa ilang mayayamang negosyante.
Hindi naman siya nabigo dahil karamihan sa kanyang mga financier sa nakalipas na mga eleksyon ay mga kapwa rin niya sugarol.
Sa 2019 midterm elections ay nagbabalak ang ating bida na muling pumalaot sa pulitika at sa pagkakataong ito ay target na niya ang mayoralty position sa isa sa mga malalaking lungsod dito sa Metro Manila.
Pero aminado ang ating bida na malaki ang kanyang problema dahil kapos daw ang kanyang pera.
Ang bida sa ating kwento ngayong umaga na nagsabing tatakbo bilang mayor sa isang lungsod sa Metro Manila ay si Mr. I…as in Island.