Ancajas susunod na makakasagupa si Sultan

MATAPOS ang panalo laban kay Israel Gonzalez ng Mexico Linggo ay agad na makakasagupa ni Jerwin Ancajas para sa kanyang sunod na title defense ng International Boxing Federation (IBF) world super flyweight title ang numero uno at mandatory challenger na kababayan na si Jonas Sultan.

Mayroon lamang apat na buwan si Ancajas, na itinaas ang record sa 29-1-1 panalo-talo-tabla at may 20 knockout, para harapin si Sultan.

Tinalo ni Ancajas si Gonzalez, na nahulog sa 21-2 record at 8 KOs, sa pamamagitan ng knockout sa 1:50 marka ng 10th round ng kanilang title fight na ginanap sa Bank of America Center sa Corpus Christi, Texas, USA noong Linggo.

Ipinamalas ng 26-anyos na si Ancajas ang kanyang husay sa tatlong beses na pagpapabagsak kay Gonzalez na nagsimula sa unang round at dalawa beses sa ika-10 round upang mapanatili sa ikaapat na sunod na pagkakataon ang kanyang korona na inagaw nito kontra McJoe Arroyo ng Puerto Rico noong Setyembre 3, 2016.

Ang 26-anyos at tubong-Cebu City na si Sultan ay may 14-3 panalo-talong record at 9 KOs.

Si Sultan, na kilala sa taguri bilang “Zorro”, ay nagtala ng panalo kontra kina dating IBF world flyweight champion John Riel Casimero, Sonny Boy Jaro, Makazole Tete, Tomel Oliveros at Tatsuya Ikemizu.

Huling natalo si Sultan kay Go Onaga (25-2-2) ng Japan sa pamamagitan ng 10-round unanimous decision noong Nobyembre 2015.

Samantala, ikinatuwa ni Ancajas ang gradong ibinigay sa kanya ng kanyang trainer na si Joven Jimenez matapos ang kanyang title fight kay Gonzalez.

Bagamat napatumba niya si Gonzalez ay nakakuha lamang si Ancajas ng pito mula sa 10 puntos na sukatan mula kay Jimenez, na sinabi na ang kanyang boksingero ay bumagal ng konti sa nasabing laban.

Ayon kay Ancajas naging maganda ang kanyang kondisyon at puwede sana siyang umatake agad sa pagbubukas pa lamang ng laban.

Hindi minadali ni Ancajas ang laban dahil iba ang estilo ni Gonzalez kumpara kay Jamie Conlan, na pinatumba niya sa ikaanim na round noong nakaraang Nobyembre sa Belfast, Northern Ireland.

Matapos naman niyang mapag-aralan ang diskarte at galaw ni Gonzalez ay sinimulan na ni Ancajas ang kanyang pag-atake habang binabantayan din ang kanyang matibay na depensa.

Hindi nagawang mapasok ang depensa ni Ancajas, umurong na sa pag-atake si Gonzalez at sa pagdating nga ng ikawalong round ay hinangad na lamang na makatagal sa laban.

Iuuwi na sana ni Ancajas ang unanimous decision na panalo sa laban subalit nagkamali si Gonzales at nagbayad siya ng mahal matapos patumbahin ng Pinoy champion ng dalawang beses sa ikasampung round bago tuluyang itinigil ni referee Rafael Ramos ang laban.

Read more...