KUWENTONG totoo ito.
Wala akong karapatang isulat ito dahil hindi ko ito karanasan. Pero ikukuwento ko na rin. Hindi kasi dapat makalimutan at isantabi na lang lalo pa’t bumaha ng luha sa harapan ko.
Akala ko alam ko na ang sagot sa mga bagay na tulad nito. Hindi pa pala. Gumawa pa nga ako ng kahalintulad na eksena sa pelikula noong taong 2015 para sa pelikulang Tibak, isang tagpo sa isang tunay na pangyayari noong 1968.
Paano mo haharapin ang pagtalikod ng isang anak sa kanyang magulang at pamilya na ang dahilan ay para sa pakikibaka para sa bayan at maglingkod sa masa?
Bilang magulang, ano ang iyong gagawin? Magpaparaya ka, pahihintulutan ito? Pipigilan at magagalit sa anak?
Ang kaibigan ko na ikinukuwento ko sa inyo ngayon, ay hindi pinigilan ang anak. Nagparaya at sinang-ayunan tila pa ang anak.
“Kung sinasabi mong iyan ay para sa masa at ako ay kabilang sa masa, bakit mo tatalikuran ang masa na kasama at mahal mo sa loob ng 20 taon?”
Marami pa silang naging palitan ng salita. Hindi lang puso ang nag-usap kundi ang kanilang mga isipan. Lohika kundi maaari ang damdamin.
Sa huli, napagtanto na ang pagsali sa kilusan ng anak ay para sa masa, na ang bunsod ay rebelyon sa kung anong nangyayari sa loob ng tahanan.
Ang pamilya ang unang sangkap ng lipunan hindi ba? Ang kaayusan o ang kaguluhan sa lipunan na ginagalawan ng masa ay maaaring kumatawan sa kung ano ang kalagayan sa loob ng tahanan.
Pagkamulat ang dahilan ng pasya ng anak. Kailangan daw siya ng masa.
Paano ito binasag ng kaibigan ko? Gamit ang lohika, sinabi niyang siya ang sa katunayan ay kumakatawan sa rebelde sa kanilang tahanan.
Siya ang nag-iingay at nag-aaklas dahil walang kaayusan.
Hindi nahuhugasan ang pinggan, hindi nagwawalis ng kalat, hindi nabayaran ang bill na dapat bayaran.
Siya ang boses ng nag-aaklas at hindi siya ang boses ng gobyerno aniya. Napansin niyang tila ilang araw nang hindi naliligo ang anak.
Hindi ba anak ikaw din ay masa? Oo, sagot nito.
Dito sumundot uli ang aking kaibigan, paano mo mamahalin at kakalingain ang masa kung ikaw na masa din ay nakaligtaan at napabayaan na ang sarili? Eto anak maligo ka, mag deodorant ka.
May pera ka ba anak? – tanong niya sa anak. Ang sagot ay wala po. Isa pang pagkakataon para sa kanya.
Ang sabi niya sa anak, paano niya tutulungan ang masa na salat sa pera kung maging siya ay salat din? Sa kanila pa kayo makikikain? Tanong pa niya.
Habang lumuluha sa kanyang pagkukuwento ang aking kaibigan, may iba akong napagtanto.
Ilan pang mga magulang ang umiiyak din ngayon dahil sa pasya ng kanilang anak na mas iibigin ang bayan at ialay ang buhay sa masa?
Sa nakikita kong pagkilos ng mga grupong may katulad na pundasyon ng pakikibaka, nakatitiyak akong marami ang may ganitong karanasan ngayon.
Naalala ko ang sinabi ng isang kaibigan na nasa progresibong grupo o yung tinatawag na mga militante – maraming magulang na raw siyang nakitang umiyak ngunit kalaunan ay ganap na nagparaya.
Ilan ang tulad ng kaibigan ko na ipinaglaban ang pundasyon ng pamilya bago ang masang kanila ring kinabibilangan? Marami rin ba sila?
Siya nga pala, ang kaibigan kong lumuha at nanindigan sa pag-ibig para sa pamilya ay isang ama.
“Kapag may nangyari sa iyo? Iiyak ba ang masa? May hihigit pa ba sa iyak na magmumula sa iyong sariling pamilya?”
Nagyakap ang mag-ama. Umuwi sa kanilang tahanan.
Kinabukasan muling umalis ang anak at iniwan ang ama at kanilang pamilya.
Tunay na kuwento. Nangyari sa kaibigan ko. Maaaring nangyayari sa maraming pamilya ngayon.
Istorya ng pakikibaka
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...