Ejercito nanawagan sa PAO na ipaubaya na lamang sa PGH ang Dengvaxia probe 

SINABIHAN ni Sen. JV Ejercito ang  Public Attorney’s Office (PAO) na ipaubaya na lamang  sa mga eksperto na magsagawa ng  autopsy sa mga batang pinaniniwalaang namatay matapos mabakunahan ng  Dengvaxia vaccine.
Sinuportahan ni Ejercito ang pahayag ni dating Health secretary Esperanza Cabral at kanyang grupo na Doctors for Public Welfare (DPW), na nauna nang kumuwestiyon sa isinasagawang autopsy ng PAO sa mga bata.
Idinagdag ni Ejercito na dapat ay ibigay na lamang ng PAO ang imbestigasyon sa mga eksperto ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH).
“Kung saka-sakaling i-autopsy dun na lang sa UP-PGH dahil sila lang ang expert to look in to that. Baka mamaya inieexamine nila pero wala naman silange expertise dagdag hirap lang sa magulang,” sabi ni Ejercito.
“Let the experts do their job,” ayon pa kay Ejercito, na siyang chairman ng  Senate health committee.
Idinagdag ni Ejercito na dapat ay makipagtulungan na lamang ang  PAO sa mga eksperto mula sa PGH.
“I call on PAO to work together, pagsama-samahin natin ang ating mga impormasyon, bakit ipagkakait sa PGH eh sila ang mga eksperto,” sabi pa ni Ejercito.
Kinuwestiyon ni Ejercito ang resulta ng pagsusuri ng PAO forensic expert n si Dr. Erwin Erfe matapos namang iugnay sa Dengvaxia ang mga na-autopsy na namatay na bat.
Sinabi pa ni Ejercito na batay sa pagsusuri ng mga  PGH forensic pathologist na walang kinalaman sa Dengvaxia  ang pagkamatay ng 14 nasawing bata.
“Nakakatakot talaga. Sana lang maging mahinahon tayo pakinggan ang mga eksperto. Ngayon nagsalita na ang UP-PGH. Incline akong paniwalaan ang panel of experts dahil sila nga ang pathologists,” dagdag ni Ejercito.
“Di naman sa dina-downplay ko ang PAO, I commend their effort, pero wag naman tayo magkamali,” ayon pa kay Ejercito.
Nauna nang sinabi ni Sen.  Richard Gordon, chair ng blue ribbon committee, na masyado pang maaga na iugnay sa Dengvaxia ng PAO ang mga pagkamatay ng mga bata.

Read more...