BINATIKOS ni Sen. Grace Poe ang kawalan ng “expertise” ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 sa harap naman ng patuloy na aberyang nangyayari sa MRT-3.
Sinabi ni Poe na nauna nang ipinangako ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga pasahero na gaganda ang serbisyo ng ng MRT sa harap naman ng pagdating ng mga bagong spare parts.
“Yung sinasabi nila na by the end of February gagaan na ang pagdurusa dahil darating na ang mga parts na in-order nila… Talagang lahat tayo inip na inip na. Siguro ang magiging deadline natin kay Sec. Tugade ay ang ipinangako nyang by February, gagaan na (ang sitwasyon sa MRT) dahil darating na ang mga parte,” sabi ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services, sa isang panayam ng dzBB.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Poe sa liderato ng train system.
“Alam mo ang problema talaga ay kapag ang namumuno ng isang korporasyon o ng isang bagay ay hindi naman masyadong naiintindihan. Ngayon yung kanilang pinamumunuan halimbawa, alam naman natin, binigyan natin sila ng pagkakataon—ng ilang buwan dahil bago lamang sila—pero siyempre yun nga ang sinasabi ko dapat yung naghe-head ng katulad niyang sa MRT ay talagang engineer, yung nakakaintindi ‘di ba,” dagdag ni Poe.
Sinabi pa ni Poe na malaki na ang ibinaba ng mga pasaherong sumasakay ng MRT-3 dahil sa walang tigil na aberya nito.
“Ayaw natin ng paghihiganti. Ang gusto lang natin ay pananagutan,” sabi ni Poe.
“Ako talaga ay nakikisimpatya sa taumbayan at naiintindihan ko ang inyong kalbaryo. Minsan ko na ring nasubukan yan at tuwing ako’y napapadaan (sa Edsa), nakikita ko ang pila sa MRT araw-araw,” ayon pa kay Poe.