ANG mga katagang ito ay binitawan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ng kanyang iutos ang pag-rebisa sa TNVS cap ng LTFRB at gayundin sa pagpapahinto ng bagong sistema ng koleksiyon ng bayad sa Skyway.
Sa mga katagang ito, sinabi ni Tugade na kailangan sa isang opisyal ng pamahalaan na isipin muna ang kapakanan at kabutihang idudulot ng mga binabalangkas na regulasyon upang masiguro na hindi ma-inconvenience ang mamamayan.
Sa ating pamahalaan, dahil sa sobrang burokrasya, napakaraming serbisyo sa mamamayan ang hindi ma-enjoy ng taumbayan dahil sa dami at haba ng red-tape, mga regulasyon na kung titingnan mo ay wala ng ngang silbi, pahirap pa sa buhay natin.
Nandyan ang palagiang paghingi ng bagong birth certificate mula sa NSO na para bang pagkatapos ng ilang taon ay hindi na ikaw ang tao sa certificate. Nariyan din ang regulasyon sa pagkuha ng pasaporte kung saan kailangang dala mo lahat ng original na papeles mo kahit renewal lang ang pakay.
Sa isyu ng TNVS, o yung mga kotseng nagseserbisyo sa mga ride-hailing application companies, sinabi ni Tugade na kailangan pag-aralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang bago nilang regulasyon na nagtatakda ng 45,000 units lang sa Metro Manila, 5,000 units lang sa Cebu at 2,000 units sa Pampanga.
Sa pahayag ng kalihim, nilinaw niya na kailangan munang malaman kung talagang sapat na ang bilang na itinakda ng LTFRB o baka kulang pa ito. Kailangan umano na masiguro na hindi mapeperwisyo ang riding community dahil lamang sa kagustuhan ng LTFRB na ma-regulate ang negosyo ng Uber at Grab.
Hindi ibig sabihin nito ay pababayaan na lang ang Uber at Grab na gawin nila ang gusto nila. Ang sinasabi ni Tugade ay balansehin ang pangangailangan ng publiko sa responsibilidad ng pamahalaan na i-regulate ang mga public transport.
Ganun din ang sa isyu ng Skyway kung saan ipinahinto ni Tugade ang bagong collection system dahil naging sanhi ito ng kaguluhan sa trapiko sa Skyway. Kailangan daw unang pag-aralang mabuti at lagyan ng maayos na trial period ang bagong sistema upang hindi maperwisyo ang mga motorista na dumadaan sa Skyway.
Hindi ibig sabihin nito ay OK na ako sa lahat ng ginagawa ni Tigade dahil medyo nababagalan pa rin ako sa ilang mga plano niya tulad ng pagsasaayos ng trapiko sa Metro Manila at ang sitwasyon ng mga airport natin.
Pero kung ang lahat ng kawani ng pamahalaan ay gagamitin ang philosophy na ito, na public good before anything else, madaming makikinabang na taumbayan sa serbisyo ng pamahalaan.
***
Auto Trivia: Hindi lang pahingahan ng ulo ang headrest sa upuan ng kotse natin. Kung mapapansin ninyo, ito ay laging puwedeng tanggalin sa upuan at ang dulo ng mga tangkay nito ay matalim. Ang dahilan ay upang magamit ito pambasag ng salamin ng kotse sakaling naipit kayo sa loob sa isang aksidente at kailangan agad kayong makalabas.
Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.