AGAD na binanggit ni Robin Padilla ang pangalan ng pamangkin na si Daniel Padilla para i-consider nina Direk Joyce Bernal at Piolo Pascual sa lead role ng pelikulang gagawin nila tungkol Marawi siege.
Nagdesisyon daw kasi sina Piolo at Direk Joyce na ang gaganap bilang sundalo sa Marawi movie nila ay mas bata ang edad kesa kay Robin.
“Ang sabi ni Direk Joyce, ‘Oo, sana mapayagan siya ng ABS dahil para sa Marawi naman ‘to at higit sa lahat, kasi meron silang audition, e. Sabi ko naman, ‘E, sigurado ako na ‘yung aking pamangkin, e, humble ‘yun.
“Kahit na sabihin natin sa kanya na mag-audition siya, gagawin niya ‘yun. Padilla ‘yun. Humble ‘yun,” proud na pahayag ni Robin sa kanyang pamangkin.
Bukod kay Daniel, suhestiyon din ni Robin na kunin din ng mga producer si Presidente Rodrigo Duterte para gumanap sa kanyang karakter sa movie.
“E, sana po si Mayor (Duterte) talaga, kung mabibigyan po kami ng pagkakataon. At nasa script po talaga. Mas maganda sana kung si Mayor, ‘di ba? Si Mayor, ay magaling umarte naman,” nangingiting sabi ni Robin.
Dagdag pa niya, “Kayang-kaya niya ‘yun. Pero kung wala naman sa script, hindi naman kailangan ding ipilit natin si Mayor. Hindi naman magiging maganda para sa isang historical movie ang kumuha tayo ng kamukha lang niya. Hindi maganda ‘yun kasi buhay pa naman ang Presidente natin.”
Naniniwala si Robin na buong-puso ang ginagawang malasakit ni Pangulong Duterte sa mga sundalo at ang “Marawi” project naman nila ay istorya para sa mga sundalo kaya malamang ay pumayag ang ating Pangulo na umarte sa pelikulang gagawin nila.
“Hindi nga lang magpapa-makeup ‘yun. Ha-hahaha! Ayaw nu’n magpa-makeup, e,” sabi pa sa amin ni Robin.
Mula sa kikitain ng pelikulang gagawin nila ang perang gagamitin sa pagpapatayo ng mga bagong istraktura para sa bagong Marawi.
“Eto kasi ang message ni Direk Joyce, ng aming producer, si Dennis Uy, si Piolo, wala po kasi talaga silang kikitain dito. Lahat ibibigay nila sa akin. E, ako ang napagkatiwalaan na gagawa ng community.
‘Yun ang papel ko,” aniya pa.
“‘Yung gusto po naming itayo, malaki po. E, kasi ang isang bahay namin, ang average P500,000. Kasi sinubukan namin ‘yan dito sa Fairview, ganu’n po talaga ang budget ngayon. Kung gusto po natin ng bahay na titirhan, e, ‘yun po talaga ang halaga,” dagdag ni Binoe.
May pa-garden pa raw ang mga bahay na itatayo nina Robin sa Marawi. At hangga’t may pera sila wala raw katapusan ang itatayo nilang mga bahay sa mahigit kumulang na apat na hektaryang lupa na bibilhin nila roon.
Anytime soon ay magsu-shoot na sila nu’ng movie at plano nilang ipalabas ito sa Araw ng Kalayaan (June 12).