Kia kinapos sa TNT

PINAHIRAPAN muna ng Kia Picanto ang TNT KaTropa bago nito isinuko ang laban, 90-85, kagabi sa PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena.Umiskor ng back-to-back layup si RR Garcia para ibigay sa KaTropa ang 89-83 kalamangan, may 44 segundo na lang ang nalalabi sa laban.
Ito ang ikaapat na panalo sa pitong laro ng TNT na nagtulak dito para makopo ang pangatlong puwesto sa team standings.
Bumagsak naman sa 1-6 kartada ang Picanto na lumamang pa ng 62-58 laban sa pinapaborang KaTropa sa third quarter.
Sa pagpasok ng fourth period ay agad na humataw ang TNT na napakawala ng 23-8 run sa pangunguna ni Jayson Castro.
Gayunman, muling nag-rally ang Kia para makadikit sa TNT, 83-85.
“I was saying to my team that Kia is unpredictable and dangerous, I don’t think our players got that message for today’s game,” sabi ni TNT coach Nash Racela. “We were cruising along and Kia really played well.”
Si Kelly Williams ay may game-high 23 puntos at walong rebounds at si Castro ay may 22 puntos para sa TNT.

Read more...