BINUO na ni Pangulong Duterte ang consultative commission na magsasagawa ng pag-aaral kung anong bahagi ng 1987 Constitution ang babaguhin.
Ang consultative commission ay pinamumunuan ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno.
Ang mga miyembro ng komisyon ay mga abugado, na karamihan ay may dating posisyon sa hudikatura at propesor sa batas.
Binigyan sila ng anim na buwan para tapusin ang kanilang pag-aaral at maglabas ng rekomendasyon.
Pero ang rekomendasyon nila ay hindi nangangahulugan na susundin ng Kongreso.
Isang tanong kung makakahabol pa ba ang gagawin nilang rekomendasyon kasi mayroon na ring ginagawa ang Kamara de Representantes na bersyon nila ng bagong Konstitusyon.
Baka mamaya niyan, masayang lang ang gagawin ng consultative commission, di ba?
O kung aabot man ang kanilang rekomendasyon, palulusutin kaya ito ng mga mambabatas kung taliwas ito sa kanilang interes o napagkasunduan na, kahit ito ay para sa kapakanan ng bayan?
Halimbawa ang isyu ng political dynasty. Paano kung kasama pa rin sa panukalang Konstitusyon ang pagbabawal sa political dynasty, papayagan ba ito ng mga mambabatas na karamihan ay mayroong kapamilya na nasa puwesto rin?
Siyempre ang mga mambabatas (‘yung nakararami), ang masusunod kung ano ang lalamanin ng susunod na Konstitusyon kahit pa sabihin na hindi naman lahat sila ay abugado o eksperto sa batas.
Ang tinatahak na direksyon kasi sa pag-amyenda sa Saligang Batas ay Constituent Assembly. Ang mga senador at kongresista ang magpapanukala ng pagbabago.
Ang ConAss ay mayroong basbas ni Pangulong Duterte na nagbago ang posisyon. Dati kasi ang gusto ng Pangulo na gamitin sa pagbabago ng Saligang Batas ay Constitutional Convention.
***
Umaaray na si Mamang Drayber, nagtaas na naman ng presyo ang mga kompanya ng produktong petrolyo.
Mahigit P40 na ang kada litro ng diesel pero hindi pa rin sila pinapayagan na magtaas ng pamasahe.
Tapos trapik pa kaya nababawasan ang kanilang krudo kahit hindi umuusad ang kanilang sasakyan.
Kailan daw ba sila papahintulutan na magtaas ng pamasahe? Ang akala daw nila ang darating na pagbabago ay giginhawa na ang kanilang biyahe, bakit para daw ang pagbabago ay ang paglala ng kanilang sitwasyon.