MATAPOS na ilang beses na makansela dahil sa naganap na kaguluhan sa katabing lugar na Marawi City ay tuluyan na maisasagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Oroquieta City, Misamis Occidental ang Mindanao leg ng Philippine National Youth Games-Batang Pinoy (PNYG-BP) sa Marso 6-12.
Ito ang sinabi ni PNYG-BP PSC commissioner-in-charge Fatima Celia Kiram patungkol sa huling qualifying leg ng taunang palaro para sa mga out-of-school youth, in-school students at Filipino-foreign blood na kabataan na may edad 15-anyos pababa.
“We are so happy that finally, our kids from Mindanao will have their chance to peacefully and safely compete in our national sports tournament. Batang Pinoy is for them, to show their talent, to get out and play alongside other kids and to experience friendship and camaraderie,” sabi ni Kiram.
Unang itinakda ang naturang palaro noong Hulyo 10-15, 2017 subalit ilang beses na naantala dahil sa naging magulong sitwasyon sa Mindanao na inilagay pa sa estado ng martial law dahil sa kaguluhan na dulot ng salpukan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno kontra teroristang grupo ng Maute.
Ikinatuwa naman ni Oroquieta City Mayor Jason Almonte ang pagsasagawa ng multi-sport na kompetisyon na Batang Pinoy sa kanyang nasasakupan na kilala sa pagkakaroon ng dinarayo na Mt. Malindang Range and Natural Park na isang UNESCO declared ASEAN Heritage Park.
Ipinagmamalaki rin ng siyudad na tinaguriang City of Good Life ang kinukunsidera na Asia’s longest zip line na may habang 2.3 kilometro.
Ang mga events na sasabakan ng mga atleta ay archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, dancesport, karatedo, pencak silat, sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.