WALA ng public bidding sa mga government projects, utos ni Pangulong Digong.
Sa halip public bidding, ang isang government agency na planong magsagawa ng malaking proyekto ay tatanggap ng panukala sa isang pribadong grupo.
Ang nasabing grupo ang mag-aanyaya ng kapwa niya contractors o suppliers upang tumbasan o higitan ang kanyang panukalang presyo at kalidad ng kanyang proyekto.
Ang tawag sa ganitong pamamaraan ay “Swiss challenge” na aalisin ang kickback o pag-antala ng isang proyekto.
Palaging lugi ang gobyerno sa kontrata sa mga proyekto o pagbili ng mga gamit dahil sa malaking kickback ng mga suppliers o contractors sa mga opisyal ng pamahalaan.
Halimbawa, sa isang paggawa ng isang highway, kailangang maglagay ang isang contractor kay congressman o senator, sa mga opisyal ng Department of Public Highways at kung kanino pa.
Ang resulta, mababa ang kalidad ng mga materyales dahil ang pera na dapat ipambili ng mga gamit na may kalidad ay napupunta sa mga kurakot na opisyal ng gobyerno.
***
Napansin ba ninyo ang baku-bakong kalsada o mga kalsada o tulay na hindi pa natatapos o mga kasangkapan na madaling masira?
Ang mga yun ay dahil sa malalaking “commissions” na tinatanggap ng mga korap na opisyal.
Ang isang garapal na pangingikbak ay ang P1.2 bilyon pagbili ng refurbished (kuno) na military helicopters noong panahon ni Noynoy kuyakoy.
Ang mga helicopters ay “inani” na scraps sa isang German Army junkyard o basurahan na ipinadala sa US at pinagtagpi-tagpi upang mabuong helicopter.
Ilan na sa kanila ang bumagsak na ikinasawi ng ilang piloto at kawani ng Philippine Air Force.
Ang iba ay di na makalipad.
***
Ito ang dapat bantayan ni Pangulong Digong sa Swiss challenge: Ang pakikipag-sabwatan ng mga contractors o suppliers sa isa’t isa.
Karamihan ng suppliers o contractors ay nagtatatag ng isang sindikato upang mapasakanila ang government contract.
Ang magiging resulta ay dating gawi: Ang contractor o supplier na nabigyan ng award ay bibili pa rin ng mumurahing mga materyales o gamit upang mabayaran ang ibang contractors o suppliers na miyembro ng sindikato.
***
Ang pinakamagandang balita na lumabas sa pagbisita ng pangulo sa India ay maaaring magsuplay ang India ng murang medisina na kayang bilhin ng mga mahihirap na pasyente sa ating bayan.
India sells inexpensive but high-quality medicines for hypertension, high cholesterol, anti-bacterial and cancer.
Ang mga nasabing mga medisina ay napakamahal kaya’t hindi nabibili ng mga mahihirap.
Bakit masyadong mahal ang mga medisinang nabanggit? Dahil ang mga ito ay gawa ng mga multinational pharmaceutical companies.
Sa halip na payagang magtayo ng mga Indian pharmaceutical companies sa bansa, bakit di na lang payagan na mag-angkat ng raw materials ang mga local na drug manufacturers na mababa o walang taripa?
Makakagawa ang mga kumpanyang lokal ng mga murang medisina na kayang-kaya ng mga mahihirap na pasyente.
Ang dahilan kung bakit maraming namamatay na mahihirap na pasyente ay dahil sa masyadong mahal na gamot na nirereseta sa kanila.
***
Kinunsinte ng Philippine Army ang isang opisyal nito, si Col. Basilio Dumlao, na umano’y nakiapid sa isang babae na may asawa na.
Nakapagretiro na si Dumlao at pinawalang-sala sa reklamong ninakaw niya diumano ang asawa ni Davidson Cruz, isang OFW na nagtatrabaho sa Russia noon.
Si Dumlao, na provost marshall noon ng 5th Infantry Division na may kampo sa Isabela, ay sinasabingnakiapid kay Mrs. Johanna dela Cruz.
Tinulungan ng programang Isumbong mo kay Tulfo na sampahan si Dumlao ng kasong article of war o unbecoming of an officer and a gentleman at kasong kriminal sa korte.
Ibinasura ng Army ang kaso laban kay Dumlao dahil wala raw itong sapat na ibidensiya.
Ano pa kayang ebidensiya ang hinahanap nila?