Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Kia Picanto vs TNT KaTropa
6:45 p.m. Phoenix vs Alaska
SINANDIGAN ng Globalport Batang Pier ang mga dating miyembro ng Bolts na sina Kelly Nabong at Jonathan Grey upang paghigantihan nito ang Meralco sa pagtala ng 107-88 panalo sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Agad na itinala ng Meralco ang 5-0 abante sa simula ng laro bago na nito huling kinapitan ang abante sa 8-6 iskor matapos maghulog ng dalawang sunod na tres si Nabong para pasimulan ang 29-16 atake ng Batang Pier sa unang yugto tungo na sa ikatlo nitong panalo sa loob ng anim na laro.
Itinabla muna ni Julian Sergeant ang laro sa 8-all bago inihulog ni Stanley Pringle ang isang tres na nakapagtulak sa Batang Pier sa 11-8 abante na hindi na binitiwan hanggang matapos ang laro tungo sa pagsalo sa apat na koponan nasa ikatlong puwesto na may 3-3 panalo-talong kartada.
Si Nabong, na matatandaang sinunspindi ng Bolts matapos makipagsigawan kay Meralco assistant coach Jimmy Alapag bago tuluyang inilipat ng koponan, ay nagtala ng 17 puntos, 17 rebound at tatlong block habang si Grey, na matatandaang kinuha ng Meralco bilang No. 7 pick sa 2016 regular draft, ay nagdagdag ng 24 puntos at limang rebound.
“Nothing personal here but just wanting to show my real worth in the team,” sabi ni Nabong.
Nagawa pang itala ng Batang Pier ang pinakamalaki nitong abante sa 29 puntos, 94-65, sa ikaapat na yugto bago na lamang naghangad na makabalik ang Bolts na tanging nagawang ibaba ang abante sa 19 puntos na lamang sa 80-99.
Ipinalasap ng Batang Pier, na patuloy na hindi nakakasamang maglaro ang injured star player nitong si Terrence Romeo, ang ikaapat na kabiguan sa loob ng anim na laro sa Bolts.
“Ito ‘yung hinahanap namin na malakas tapusin ang laro at ibinabaon pa kahit alam namin na lamang kami,” sabi ni Globalport coach Pido Jarencio. “‘Yung defense namin talagang nag-work.”
Nagawa rin magtala ng Batang Pier ng 10 puntos sa turnovers habang may 42 ito sa points in the paint. Mayroon din itong 17 sa fastbreak points at 25 sa second chance points dagdag pa ang 46 bench points.
Sa ikalawang laro, winakasan ng Barangay Ginebra Gin Kings ang 5-game winning streak ng San Miguel Beermen matapos manaig, 100-96.
Nagtala sina LA Tenorio at Japeth Aguilar ng tig-23 puntos para pamunuan ang Gin Kings na umangat sa 3-3 kartada matapos putulin ang 3-game losing skid.
Gumawa naman si June Mar Fajardo ng 33 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang Beermen na nalaglag sa 5-1 kartada.