Bagets na di madalas mag-cellphone, mas masaya

ALAM mo ba na may pag-aaral na nagsasabi na ang mga teenager na madalas gumamit ng kanilang smartphone ay hindi masaya?
Ayon sa pag-aaral na nailathala sa psychology journal na Emotion, sinabi ng mga researcher mula sa San Diego State University,  na ang mga teenager na mahaba ang inuubos na oras sa paglalaro ng cellphone, pakikipag-chat at sa social media ay hindi kasing saya ng mga ka-edad nila na mayroong regular na aktibidad gaya ng sports at face-to-face social interaction.
Pinag-aralan sa survey ang mahigit sa 1 milyong grade 8, 10 at 12 estudyante sa Estados Unidos.
Sinabi ng psychology professor na si Jean M. Twenge, isa sa mga may-akda ng pag-aaral, bagamat hindi matutukoy ng pag-aaral kung ano ang sanhi ng kalungkutan ng mga bata, masasabi na ang kalungkutan ay hindi nagreresulta sa mas madalas na paggamit ng social media.
Napatunayan din umano sa pag-aaral na ang mga bata na mas maliit ang oras na kinokonsumo sa digital media ay mas masaya.
Ayon kay Professor Twenge ang susi para sa mas masayang buhay ay mas konting oras sa digital media.
Makabubuti umano kung ang guguguling oras sa digital media ay hindi hihigit sa kabuuang dalawang oras at paglalaan ng mas mahabang oras sa personal na pakikipagsalamuha sa mga kaibigan at kakilala.
Nagsimula umanong bumaba ang kasiyahan noong 2012 at nagpatuloy hanggang sa 2016—ito ang panahon kung kailan tumaas ang oras na ginugugol sa smartphone.
Habang maraming magulang ang bumibili na gadget para may mapaglibangan ang kanilang anak sa loob ng kanilang bahay, lumalabas na mas magiging masaya ang mga ito kung nakikisalamuha sa kanilang mga kaibigan sa labas ng bahay.
Tips para mas maging happy si bagets
1.  Magkaroon ng panahon sa mga anak, kausapin silang madalas.  At pag nag-uusap, magkaroon ng rules:  Walang sisilip at pipindot sa cellphone.
2. Ugaling magkaroon ng regular na pagkain sa hapag ng sabay-sabay.  And again, make sure na bawal ang cellphone sa hapag kainan.
3. Ayain ang anak na magkaroon ng physical activity sa labas gaya ng pagba-bike.
4. Go back to basic.  Yung mga indoor games na pwedeng laruin ng pamilya ay gawin gaya ng scrabble, chess, word factory, etc.
5. Turuan ng bagong pagkakaabalahan ang mga bagets sa loob ng bahay gaya ng pagluluto o pagbi-bake.

Read more...