KAHIT saan ka sumuot, mapa rito sa Metro Manila o iba pang malalaking lungsod sa Kabisayaan at maging Mindanao, tiyak na may trapik.
At bukod sa nasasayang na oras, apektado rin ang kalusugan ng driver at ng pasahero.
Kung madalas kang nag-uubos ng mahabang oras sa trapik maaari kang magkaroon ng sakit dahil dito.
Likod
Kapag matagal kang naka-upo, hindi malayo na manakit ang likod mo. Madalas pang siksikan ang mga pampasaherong sasakyan kaya mahirap mag-iba ng puwesto. Hindi ka naman pwedeng tumayo maliban na lang kung sa bus ka nakasakay.
Ang lower back pain ay dulot ng pag-upo ng hindi normal ang posisyon ng likod o lordotic curve. Mas madaling manakit ang likod kung ito ay nakapabilog at hindi nakaporma sa kanyang normal na kurba. Pwedeng maglagay ng maliit na unan o makapal na towel sa likod para ang puwesto nito ay pakurba.
Kidney
Dapat sa tagal ng biyahe, hindi rin maiiwasan na ikaw ay maihi. Ang problema hindi ka naman makababa para makapaghanap ng CR. At kung nasa EDSA ka paano mo naman patatabihin ang bus na sinasakyan mo para ikaw ay maka-“jingle”?
Kung madalas mong pinipigilan ang pag-ihi mo, hindi malayo na magkaroon ka ng sakit sa bato o sa kidney.
Ang ihi ay likido na hindi na kailangan ng katawan kaya kailangang ilabas.
Stress
Maraming driver ang nai-stress dahil sa trapik, lalo na kung mayroon kang hinahabol.
Hindi maganda ang stress sa katawan. Ayon sa mga pag-aaral, maaari itong magdulot ng sakit sa puso at high blood pressure.
Lalo na kung mainit, mas mabilis tumaas ang blood pressure. Isa rin ito sa sinasabing dahilan kung bakit marami ang mainit ang ulo at nag-aaway sa gitgitan sa trapiko. Lalo na siguro kung hindi aircon ang sinasakyan mo.
Pagkain
Dahil trapik, kinakapos na ang oras para makapagluto pa sa bahay.
At ang mabilisang solusyon ay bumili na lamang sa fast food o mag-drive thru.
May mga ulat na mabilis makapagpataba ang mga pagkain sa fast food bukod pa sa isyu ng transfat na hindi maganda sa katawan.
Malamang ay mapa-inom ka rin ng softdrink na magpapataas naman ng iyong blood sugar level kaya ingat-ingat ang mga may diabetes.
Usok
At kapag mas matagal ka sa kalsada, mas mataas ang posibilidad na mas maraming usok ng sasakyan ang iyong masingkot.
Ang air pollution ay isa sa mga sanhi sa paglala ng asthma at pwede ring magdulot ng respiratory diseases kung madalas na exposed sa usok.
Tulog
Sa tagal ng biyahe papasok at pauwi, nababawasan ang oras ng tulog.
Kailangan mong gumising ng mas maaga para hindi ka ma-late pagpasok at pag-uwi mo naman ay gabi na.
Nagiging normal na tuloy na hindi nagkikita ang mga miyembro ng pamilya kapag may pasok.
Marami na ring pamilya ang hindi kumakain ng hapunan nang magkasabay.
Kung makakatulog ka naman sa jeepney ay mag-ingat sa mandurukot at umasa na hindi ka lalagpas sa iyong bababaan.
At dahil hindi kumpleto ang tulog ay hindi rin nasa kondisyon ang katawan para magtrabaho. Medyo tinatamad at hindi makapag-concentrate sa ginagawa.
MOST READ
LATEST STORIES