Ryzza Mae nagbabu na kay Aling Maliit: Halerrr Boss Madam!

GOODBYE Aling Maliit! Haler Boss Madam!
Sikat na sikat na ngayon ang bagong karakter ng Kapuso child star na si Ryzza Mae Dizon bilang si Boss Madam sa undisputed number one noontime show sa bansa, ang Eat Bulaga.
In fairness, tuloy pa rin ang pagpapa-impress ng kanyang wit, charm at humor ni Ryzza Mae Bulaga.
Lipas na nga ang mga araw na tinatawag siyang Aling Maliit dahil ang in na in na ngayon ay ang talakera at mahigpit na si Boss Madam sa segment ng show na “Barangay Jokers”.
Simula Nobyembre ng 2017, lumalabas sa EB ang child star na nakadamit pang matanda, nakikipagpalitan ng jokes sa EB Baes na sina Jon Timmons, Kenneth Medrano, Joel Palencia, Tommy Penaflor, Kim Last at Miggy Tolentino, at nire-reenact ang mga gag sketches at jokes na galing mismo sa mga Dabarkads.
“Masaya pa lang maging boss!” saad ni Ryzza habang suot ang fur coat, oversized sunglasses at ang kanyang kitten heels. “Masaya kasi ibang role naman ito and bago siya para sa akin. Gusto ko rin yung character niya kasi kahit masungit, meron pa rin siyang good heart.”
Dagdag pa ng bagets, gusto niya ang pag-ganap bilang Boss Madam dahil nagkaroon siya ng opurtunidad na paglaruan ang kanyang karakter. Binigyan din siya ng segment ng pagkakataon na mas makatrabaho ang Eat, Bulaga creative head na si Jeny Ferre.
“Walang sikreto basta focus ka lang sa trabaho and sa character na ibinibigay sa iyo. Malaking tulong din po ang suporta ng mga kasama ko sa Bulaga. Tinutulungan po nila ako kung ano ang gagawin at paano ma-deliver nang maayos ang aking mga lines.
“Meron din po akong stylist na nag-aayos ng lahat nang isusuot ko. Tinutulungan din po ako ni Tita Ruby (Rodriguez) and Tita Pia (Guanio) para sa ibang bags na ginagamit ko. Nae-enjoy ko ang role dahil parang hindi po siya trabaho,” dagdag pa ni Ryzza.
Ayon naman kay Ferre, sa ngayon, hindi mahirap isipan at hanapan ng roles sa telebisyon na babagay kay Ryzza dahil na rin sa focus ng huli sa trabaho.
Ngunit hindi ganito ang sitwasyon noong unang mga taon ni Ryzza sa showbiz. Inamin ni Ferre na nahirapan silang mag-isip ng isang konsepto na akma para sa isang 7 years old.
Nang makita ni Ferre ng natural na wit at karisma si Ryzza sa harap ng kamera, nagkaroon siya ng ideya na gawing bida ang bata sa sarili nitong talk show, ang The Ryzza Mae Show. Naging peg niya ang American comedian, TV host na si Ellen DeGeneres.
Para naman kay Ryzza, she’s living her dream. Gusto niyang makagawa pa ng maraming pelikula, gumanap sa iba’t ibang roles at makatrabaho ang mga sikat at magagaling na artista. Ngunit higit sa lahat, gusto niyang patuloy na makapagbigay saya sa bawat Pinoy.
“Kapag nakakarinig ako ng praises, ng good job, mas gusto ko pang galingan ang trabaho ko. Pag may nagsasabi ng good comments, super happy ako at pag nahihirapan ako, iniisip ko na lang din yung mga sinasabi ng mga tao para mas ma-inspire ako.”
Kung tatanungin ang kanyang mensahe para sa mga batang nangangarap din na maging bahagi ng showbiz, saad ni Ryzza na kailangan lang nilang maniwala sa kanilang mga kakayahan at mga pangarap.
“Mag-pray lagi kay Papa Jesus kasi sa kanya naman galing ang lahat ng ito. Lagi rin pinapaalala ni Mama na dapat makikinig, mag-focus sa lahat ng gagawin at laging mag-thank you sa lahat ng blessings.
“Kung pangarap nila ay maging artista, maaari naman iyong matupad basta pagbutihin lang nila. Kung gusto nilang maabot ang pangarap nila, dapat matuto silang magpursige,” ani Ryzza.

Read more...