HINDI itinanggi ni Carlo Aquino na maski matagal na silang hiwalay ni Angelica Panganiban ay hindi nawala ang komunikasyon nila, sa katunayan ay magkasama silang manood ng concert ng Coldplay sa Singapore kasama ang dating live-in partner na si Kristine Nieto.
Wala raw selosang nangyari noon kina Angelica at Kristine kaya maganda ang samahan ng dalawang ex-girlfriend niya.
Kuwento ng aktor, “Eversince naman hindi nawala ‘yung pagki-care ko sa kanya bilang kaibigan, paminsan-minsan lagi kaming magka-text. Maski may girlfriend pa ako no’n, magka-text kami, hindi naging isyu ‘yun.”
Hirit namin kung si Angelica ba ang first love niya, “Si Angel? (Ngumiti) Oo, siya.” Biro ulit namin, totoo para sa kanya ang kasabihang “first love never dies,” na tinawanan lang ni Carlo.
Kinlaro rin ng aktor na wala pa sa plano niyang balikan si Angelica, “Wala sa isip ko pa ang manligaw, pahinga muna ako, parang magtatrabaho muna ako kasi masyadong busy. Tulad nga ng sinabi ni Bela (Padilla, partner niya sa pelikulang Meet Me In St. Gallen) maraming blessings ang dumarating sa akin ngayon. So sa ngayon, doon muna ako (mag-concentrate),” ani Carlo.
Samantala, abut-abot ang pasalamat ni Carlo sa Spring Films dahil pinagkatiwalaan siyang kunin bilang leading man ni Bela sa “Meet Me In St. Gallen”
“Sobrang laki ng utang na loob ko sa kanila kasi first time kong maging leading man sa pelikula, first time kong mag-shoot sa ibang bansa, first time kong makakita ng snow, first time kong makapunta ng Europe.
Kasi pagkatapos ng shooting ng St. Gallen, nag-extend ako, nag-travel ako, nagpunta ako ng Italy, nag-Christmas ako sa Venice mag-isa.
“Hindi naman ako nalungkot kasi may mga nakilala ako roon, kasi feeling ko naman ang inspirasyon hindi lang nanggagaling sa isang tao, makakakuha ka ng ibang inspirasyon sa maraming tao,” nakangiting kuwento ng aktor.
At mas lalong natuwa si Carlo nang banggitin sa kanya na bukod sa “Meet Me In St. Gallen” ay isa siya sa ika-cast sa susunod na pelikulang gagawin ng Spring Films tungkol sa Marawi siege na may working title na “Black Is Night.”
Pero bago ito, panoorin n’yo muna ang “Meet Me In St. Gallen” sa Peb. 7 mula sa direksyon ni Irene Villamor under Spring Films at Viva Films. Mayc celebrity screening ito sa Peb. 6 sa Trinoma Cinema 7.