Gladys ibinandera ang 3 ‘P’ sa matibay na relasyon


PETMALU lodi couple kung tawagin ng kanilang mga kaanak at kaibigan sa loob at labas ng showbiz ang mag-asawang Christopher Roxas at Gladys Reyes.

Ito’y matapos ngang magpakasal uli ang dalawa sa Iglesia Ni Cristo, lokal ng Tagaytay, nitong nakaraang Martes. Ito’y bilang bahagi na rin ng selebrasyon ng kanilang 25 years of togetherness – 11 years bilang boyfriend and girlfriend at 14 years bilang mag-asawa. Una silang nagpakasal noong Jan. 23, 2004.

Ayon kay Gladys, “reaffirmation” daw ang tawag sa pagpapakasal nila uli ni Christopher at naging mas espesyal pa ito dahil kasama na nila ang kanilang mga anak.

Chika pa ni Gladys, isa sa mga sikreto ng kanilang pagsasama ay ang pinanghahawakan niyang tatlong “P”, ang prayer, patience at partnership, “Yung prayer, sa Ama naman lahat. Yung patience, kasama na ang respect, mahabang-mahabang tons of patience, kailangan talaga yun. And partnership.”

Ngayong Sabado ng umaga, mas marami pa kayong matututunan kay Gladys pagdating sa matibay na relasyon sa pagbisita niya sa Sarap Diva hosted by Regine Velasquez.

Makakasama ng aktres ang mga anak na sina Kristoff, Grant at Aquisha. Isa na naman itong masaya at nakakaaliw na family bonding kasama ang Asia’s Songbird at cooking diva.

Parenting tips from Mommy Gladys and Reguine Ate Regs; usapang baon, pera, puberty at marami pang iba. May artwork at pa-baking lessons pa na magaganap para sa mga bagets!

Lahat ng ‘yan ay mapapanood ngayong Sabado sa Sarap Diva pagkatapos ng Maynila sa GMA 7.

Read more...