Rody bigo vs droga

KAPAG sinuway nila ang Aking mga tuntunin at hindi iningatan ang aking mga kautusan, parurusahan ko sila ng pamalo… papaluin ko. Sa Salmo 89 (32-33) ng Ebanghelyo (2 S 5:1-7, 10; Slm 89; Mc 3:22-30) sa Lunes sa ikatlong linggo ng taon nagmula ang Pagninilay, na salamin ng kasalukuyan.

Sinuway ni Noynoy ang kalinisan at kabutihang asal. Sa parusang langit, pinapalo na siya. Nagkamali raw siya nang sabihin “under oath” na kasama niya sa Beijing si Dr. Ona. Bagaman inamin ang “pagkakamali,” ito’y katibayan ng perjury. Kahit saglit ay swak si Noynoy sa City Jail.

Maraming namatay na batang nabakunahan sa Bagong Silang, Caloocan. Nakapagtatakang hindi pa nakararating dito ang PAO. Pero, hindi nakapagtataka na isinasakay (na naman) sa tsubibo ang taumbayan at namatayan. Tila may sabwatan sa pangangalkal sa Senado dahil ang biyahe ay pa-Sanofi, hindi kina Aquino, Abad at Garin.

Malinaw na si Noynoy ang nasa negosasyon ng P3.5-bilyon bakuna bago mag-eleksyon para, kuno, makakalap ng boto para kay Mar (pero si Digong ang ibinoto ng taumbayan). Malinaw rin na hindi pinahirapan si Aquino sa karaniwang mapanlumong bitag-tanong sa Senado. Di alam ng taumbayan kung bakit pero kita sa salamin ang pagtatakip at pagliligtas sa anak nina Ninoy at Cory, at kuya ni Kris.

Nakapanlulumong basahin ang aklat ni prof. Rudolph J. Rummel, ang Death by Government: Genocide and Mass Murder Since 1900. Pasok sa death by government at mass murder ang Dengvaxia at SAF 44. Sina Josef Stalin at Mao Zedong ay itinuring na mga bayani ng kanilang tagasunod. JMJ: bayani si Aquino ng dilawan?

Balik na naman ang holdapan, CP snatching, akyat-bahay at agaw-bisikleta sa North Caloocan. Dahil sa 24 oras na namang may mabibiling shabu at laganap muli ang jueteng. Ang jueteng ay pinagkukunan din ng pera at kapag ang kobrador ng jueteng ang courier ng shabu, di halata. Di na rin hinuhuli ng pulis ang mga kobrador dahil may ID sila ng PCSO-STL. Kaya bumaba ang bilang ng naghihirap sa North Caloocan.

Walang reklamo sa presinto ng nakawan sa bahay. Ang mga ninakaw ay malaking kaldero, murang CP ng Cherry Mobile o kurtina at stainless na dust pan. Patago ang singhot ng shabu at malalaman lamang na kumarga kapag ayaw matulog sa gabi, maingay, nanggugulo o tawa nang tawa.

Sa North Caloocan, na-pressure cooker ang Tokhang 2. Hindi na kinatatakutan ang Tokhang dahil nagtatanong lang ang mga pulis. Hindi na rin sila takot sa Tokhang cops. May bobo cop na naniniwala sa sagot at may pulis na sa anyo at kilos pa lang ng tinokhang ay di na maitatago ang paggamit at pagkakalulong sa droga. Sa isang block sa P8A, Bagong Silang, ang humarap sa Tokhang cops ay magaganda at mapuputing dalaginding. Smile ang manoy cops.

Sa madaling salita, bigo ang kampanya kontra droga ni Digong sa North Caloocan. Saka ko na ipaliliwanag kung bakit bigo rin si Digong kontra droga sa Southern Bulacan (araw-araw ay narito ako at di ko pa maisasama ang central at north Bulacan). Ayokong sabihin na puro ngawa, at walang gawa, lang si Digong kontra droga sa North Caloocan.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, San Miguel, Bulacan): Mario (guwapo, inilalaban ng patayan ng mga bakla) at Marta (pinagnanasaan ng bayan dahil sa ganda). Kapwa may trabaho sa Valenzuela. Init ng katawan, pagmamalaki sa buhay. Di problema ang pera, pero kulang ang nakikita ng mata. Nagulo ang buhay dahil hindi galing sa Ama. Gumuho ang pag-ibig, napariwara; babangon ang isa sa kanila, na balik-Ebanghelyo na (1 Jn 2:16).

PANALANGIN: Mahal na Ina, nawa’y kupkupin kami ng iyong mahal na Anak at huwag kaming iwanan sa paglalakbay. Panalangin sa Krusada ni Fr. Mar Ladra, healing priest, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958): Di ako pabor sa madugong tokhang dahil ang pobre ang patay. Ang Intsik, mafia, politiko, komunista’t Muslim rebels ay buhay. EFB Cebu …0821

May takot pa rin kahit martial law. Hangga’t may bomba, hindi tahimik ang paligid. …1276, Paiton, Kauswagan

Read more...