Dagdag na sweldo sa mga manggagawa sa Ilocos

ANG mga manggagawa sa Region 1 na tumatanggap ng minimum sahod ay makakatanggap ng karagdagang sahod simula bukas (Huwebes) Enero 25.

Nagpalabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-1 ng Wage Order RB1-19 at Implementing Rules and Regulations na nag-aatas ng karagdagang P30 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Large Non-Agriculture and Commercial Fishing Establishments.

Makakatanggap ng karagdagang P20 ang mga manggagawa sa Medium Non-Agriculture Establishments, samantalang tatanggap naman ng karagdagang P13 kada araw ang mga manggagawa sa Small and Micro Establishments and Agriculture (Plantation and Non-plantation).

Sakop ng bagong pagtaas sa sahod ang lahat ng manggagawa at empleyado sa pribadong sektor na tumatanggap ng minimum na sahod anuman ang kanilang posisyon, katungkulan, o estado ng empleo at anuman ang pamamaraan ng pagbabayad ng kanilang sahod.

Hindi naman sakop ng nasabing kautusan ang mga kasambahay; mga nagtatrabaho para sa personal na serbisyo kabilang ang family driver; at ang mga manggagawa at empleyado ng rehistradong Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) na may Certificates of Authority batay sa Republic Act 9178, na inamyendahan.

Binigyang-pansin ng Board sa pagtatakda ng bagong sahod na ito ay makakatulong sa tinatayang pagtaas ng presyo sa mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod simula ngayong taon
Sa ilalim ng kasalukuyang Wage Order RB1-18, ang minimum na arawang sahod ay mula P243 hanggang P280, batay sa klase ng industriya.

Sa pagbubuo ng bagong wage order ,isinaalang-alang ng Board ang kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng rehiyon, gayundin ang kakayahan ng iba’t ibang negosyo.

Isinagawa ang konsultasyon sa publiko sa usapin sa sahod noong Oktubre 23, 26 at 27, 2017 sa Pangasinan, La Union at Ilocos, ayon sa pagkakasunod, upang kunin ang posiyon ng sektor ng manggagawa at mamumuhunan.

Regional Director Nathaniel V. Lacambra
DOLE -Regional Office I

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...