Matt Evans lumipat sa GMA para mas maraming raket


HINDI na nganga si Matt Evans sa regular show dahil kabilang na siya sa upcoming series ng GMA Network na Sherlock Jr.. Halos nakasabayan ni Matt sa paglipat ng istasyon ang dalawang Jason sa kabilag network – sina Jason Abalos at Jason Francisco – na kabilang naman sa cast ng Kapuso primetime series na The One That Got Away.

“Sobrang relaxed ako ngayon. Grabe ang feeling na ibinibigay nila sa akin. Naninibago nang konti. Siyempre, hindi maiaalis dahil bago ang environment,” saad ni Matt sa ginanap na mediacon ng Sherlock Jr na magsisimula sa Jan. 29.

Kontrabida ang role ng aktor sa series. Feel niya rin ‘yung ganoong character dahil nakakaramdam daw siya ng pressure kapag bida.

“Doon na lang ako sa character roles. At least doon, madali akong maka-penetrate. Saka mas challenging din po,” rason niya.

Nakadagdag ng gaan niya sa trabaho ang director ng serye na si Rechie del Carmen na nakatrabaho na rin niya sa dating network. Konting adjustment lang din ang ginawa niya sa mga GMA artists na kasama dahil nakasama niya ang ilan sa out of town shows.

Tatay na rin kasi si Matt kaya mas maraming trabaho ang hanap niya ngayon, “Nakita ko naman dito ‘yon sa GMA. Mula nang dumating ako rito, overwhelming ang trabahong binigay sa akin.

“Nagpaalam naman ako sa kabila. Sobrang maganda ang paalam ko. Freelance naman ako. Si Rams David ang manager ko,” bulalas pa niya.

Gusto niyang makatrabaho in the future sina Marian Rivera, Tom Rodriguez at Dennis Trillo. Natuwa rin siya nang malamang makakasama niya sa unang serye niya sa GMA si Janine Gutierrez.

Ngayong pamilyado na, aminado si Matt na 360 degrees ang pagbabagong naganap sa kanyang buhay, “Dati kasi pagkatapos ng trabaho, gigimik pa ako. Iinom pa minsan. Pag may segue kang trabaho, hindi ka nakakapag-perform nang maayos. Ngayon mas may direksyon na ako,” paliwanag ni Matt.

Bukod kay Matt, bida rin sa Sherlock Jr sina Ai Ai delas Alas, Tonton Gutierrez, Ruru Madrid, Gabbi Garcia at marami pang iba.

Read more...